1-2. Nang mamatay si Haring Astyages, ang humalili sa kanya ay si Haring Ciro ng Persia. Si Daniel ay malapit sa hari at higit na pinagkakatiwalaan nito kaysa iba niyang tagapayo.
3. Ang mga taga-Babilonia ay may diyus-diyosan na tinatawag nilang Bel. Araw-araw, ibinibili nila ito ng labindalawang malalaking takal na pinong harina, apatnapung tupa, at limampung galon ng alak.
4. Naniniwala si Haring Ciro na talagang diyos si Bel at sumasamba siya rito araw-araw. Ngunit walang sinasamba si Daniel kundi ang kanyang Diyos.
5. Kaya't isang araw, sinabi ng hari, “Daniel, bakit hindi mo sinasamba si Bel?” Sumagot si Daniel, “Sapagkat hindi po ako naniniwala sa mga diyus-diyosang gawa lamang ng tao; ang sinasamba ko po'y ang buháy na Diyos, ang lumalang ng langit at lupa at siyang Panginoon ng buong sangkatauhan.”
6. Nagtanong muli ang hari, “Ang ibig mo bang sabihin ay hindi buháy na diyos si Bel? Hindi mo ba nakikita kung gaano karami ang kinakain niya't iniinom araw-araw?”
7. Tumawa si Daniel at sumagot, “Huwag kayong palinlang, Kamahalan. Iyang si Bel ay putik lamang na binalot ng tanso. Wala siyang anumang kinakain o iniinom.”
8. Nagalit ang hari at ipinatawag ang mga pari ni Bel at galit na sinabing, “Kapag hindi ninyo sinabi sa akin kung sino ang kumakain ng mga pagkaing ito, kayo'y mamamatay.
9. Subalit kung mapatunayan naman ninyong si Bel nga ang kumakain nito, si Daniel ang mamamatay sapagkat sinabi niyang hindi diyos si Bel.”At sinabi ni Daniel sa hari, “Mangyari ang inyong sinabi.”
10. Pitumpu ang mga pari ni Bel, bukod pa sa kanilang mga asawa't anak. Pumasok sa templo ni Bel ang hari, kasama si Daniel.