Si Bel At Ang Dragon 1:16-26 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

16. Kinaumagahan, maagang gumising ang hari at pumunta sa templo na kasama si Daniel.

17. Pagdating sa templo ay itinanong ng hari, “Sira ba ang mga tatak, Daniel?”Sumagot ito, “Hindi po, Kamahalan.”

18. Nang mabuksan ang pinto, nakita ng hari ang walang lamang hapag at pasigaw siyang nagsabi, “Ikaw ay dakila, Bel! Tunay ngang diyos ka!”

19. Natawa si Daniel at sinabi sa hari, “Bago po kayo pumasok ay tingnan po ninyo ang sahig, at kilalanin ang mga bakas na nariyan.”

20. At sabi ng hari, “Abâ! Ito'y bakas ng paa ng mga lalaki't babae, at mga bata.”

21. Gayon na lamang ang galit ng hari. Ipinadakip niya ang mga pari at mga pamilya nila. Wala silang nagawa kundi ituro ang mga lihim na lagusang dinaraanan nila upang kainin ang mga pagkaing nasa dambana ni Bel.

22. Kaya't sila'y ipinapatay ng hari. Ibinigay nito si Bel kay Daniel at sinira ni Daniel ang diyus-diyosan, pagkatapos ay ipinagiba ang templo nito.

23. May isa ring dambuhalang dragon na sinasamba ng mga taga-Babilonia.

24. Isang araw, sinabi ng hari kay Daniel, “Hindi mo maikakaila na ang diyos na ito'y buháy, kaya't sumamba ka sa kanya.”

25. Sumagot si Daniel, “Sumasamba ako sa Panginoon na aking Diyos sapagkat siya ang Diyos na buháy.

26. Kung ipahihintulot ninyo, mahal na hari, papatayin ko ang dragong ito nang walang tabak o pamalo.”“Pinahihintulutan kita,” sabi ng hari.

Si Bel At Ang Dragon 1