Si Bel At Ang Dragon 1:11-21 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

11. Sinabi ng mga pari sa hari, “Mahal na hari, kami po'y lalabas. Kayo na po ang maglagay ng pagkain at alak sa dambana ni Bel. Pagkatapos, isara ninyo ang pinto at tatakan ng inyong singsing.

12. Pagbalik ninyo bukas ng umaga at makita ninyong hindi inubos ni Bel ang lahat ng ito, kami ang mamamatay. Ngunit kung inubos niya, si Daniel na nagbintang sa amin ng hindi totoo ang siyang mamamatay.”

13. Matapang sila sa paghahamon nang gayon sapagkat sa ilalim ng hapag sa templo ay mayroon silang lihim na lagusan. Doon sila nagdaraan kung gabi at sila ang umuubos sa mga pagkaing dinadala roon araw-araw.

14. Pagkaalis nga ng mga pari, inilagay ng hari ang mga handog na pagkain sa dambana ng diyus-diyosang si Bel. Inutusan naman ni Daniel ang kanyang mga alipin na magdala ng maraming abo. Ikinalat nila ito sa buong bulwagan ng templo. Ang hari lamang ang nakakita ng ginawa nila. Pagkalabas nila, isinara ang pinto at nilagyan ng tatak ng hari.

15. Nang gabing iyon, tulad ng dati, pumunta sa templo ang mga pari, kasama ang kanilang mga asawa't anak. Dumaan sila sa lihim na lagusan at inubos ang lahat ng pagkain at alak na naroon.

16. Kinaumagahan, maagang gumising ang hari at pumunta sa templo na kasama si Daniel.

17. Pagdating sa templo ay itinanong ng hari, “Sira ba ang mga tatak, Daniel?”Sumagot ito, “Hindi po, Kamahalan.”

18. Nang mabuksan ang pinto, nakita ng hari ang walang lamang hapag at pasigaw siyang nagsabi, “Ikaw ay dakila, Bel! Tunay ngang diyos ka!”

19. Natawa si Daniel at sinabi sa hari, “Bago po kayo pumasok ay tingnan po ninyo ang sahig, at kilalanin ang mga bakas na nariyan.”

20. At sabi ng hari, “Abâ! Ito'y bakas ng paa ng mga lalaki't babae, at mga bata.”

21. Gayon na lamang ang galit ng hari. Ipinadakip niya ang mga pari at mga pamilya nila. Wala silang nagawa kundi ituro ang mga lihim na lagusang dinaraanan nila upang kainin ang mga pagkaing nasa dambana ni Bel.

Si Bel At Ang Dragon 1