1. Nabalitaan ni Sanbalat na aming itinatayong muli ang pader. Nagalit siya at kinutya kaming mga Judio.
2. Sa harapan ng kanyang mga kasama at mga hukbo ng Samaria ay sinabi niya, “Ano kaya ang iniisip ng mga kawawang Judiong ito? Itayong muli ang Jerusalem sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga handog at gawin iyon sa loob ng isang araw? Akala ba nila'y magagamit pa nila ang mga nasunog at nadurog na bato roon?”
3. Sa tabi niya'y nagsalita naman si Tobias na Ammonita, “Ano bang klaseng pader ang gagawin ng mga Judiong iyan? Madaanan lamang iyon ng asong-gubat ay tiyak na guguho na!”
4. Sa narinig kong ito, ako ay nanalangin, “Tingnan mo kami O Diyos kung paano kami kinukutya! Mangyari sana sa kanila ang masamang hangad nila laban sa amin. Maubos nawa ang kanilang ari-arian at madala silang bihag sa ibang lupain.
5. Huwag mo silang patawarin at huwag mong kalimutan ang kanilang mga kasalanan, sapagkat hinamak nila kaming mga nagtatrabaho.”
6. Lalo kaming nagpatuloy sa pagtatayo ng pader, kaya't hindi nagtagal at nangalahati na ang taas nito dahil masigasig ang mga tao sa pagtatrabaho.
7. Nang mabalitaan nina Sanbalat, Tobias at ng mga taga-Arabia, Ammon at Asdod na halos mabuo na namin ang pader ng Jerusalem at ang mga butas nito ay natakpan na, lalo silang nagalit.
8. Nagkaisa silang salakayin ang Jerusalem upang kami'y guluhin.
9. Kaya nanalangin kami sa aming Diyos at nagtalaga kami ng mga bantay araw at gabi.
10. Ang mga taga-Juda ay may ganitong awit:“Nanghihina kami sa bigat ng pasan,at sobrang dami ng batong nabuwal.Hindi namin kaya ang hirap na ito na itayo ang pader sa maghapong trabaho.”