Nehemias 13:18-28 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

18. Ito mismo ang dahilan kaya pinarusahan ng Diyos ang inyong mga ninuno at winasak ang lunsod na ito. Lalo ninyong ginagalit ang Diyos sa ginagawa ninyong paglapastangan sa Araw ng Pamamahinga!”

19. Kaya't iniutos kong mula noon, pagsapit ng Araw ng Pamamahinga, ang mga pintuan ng lunsod ay sarhan bago lumubog ang araw at huwag bubuksan hanggang hindi natatapos ang araw na iyon. Pinabantayan ko sa aking mga tauhan ang mga pintuan upang matiyak na walang anumang panindang maipapasok sa Araw ng Pamamahinga.

20. Kung minsan, ang mga mangangalakal sa Jerusalem ay sa labas ng pader natutulog.

21. Binalaan ko sila na kapag umulit pa sila ay gagamitan ko na sila ng dahas. Mula noo'y hindi na sila dumarating kapag Araw ng Pamamahinga.

22. Iniutos ko sa mga Levita na dapat nilang linisin ang kanilang sarili ayon sa Kautusan at magbantay sa mga pinto upang maingatang banal ang Araw ng Pamamahinga.Alalahanin po ninyo ako O Diyos, sa ginawa kong ito at huwag ninyo akong parusahan sapagkat dakila ang iyong pag-ibig.

23. Nalaman ko rin noon na maraming mga Judio ang nag-asawa ng mga babaing taga-Asdod, Ammon at Moab.

24. Dahil dito, kalahati ng kanilang mga anak ang nagsasalita ng wikang Asdod at iba pang mga wikang banyaga, ngunit hindi sila nakakapagsalita ng wika ng Juda.

25. Pinagalitan ko ang mga kalalakihan, isinumpa sila, pinalo at sinabunutan. Pagkatapos, pinapanumpa ko sila sa pangalan ng Diyos na sila at ang kanilang mga anak ay hindi na mag-aasawa ng mga dayuhan.

26. “Hindi ba iyan ang sanhi ng pagkakasala ni Solomon?” sinabi ko sa kanila. “Walang sinumang hari saanmang bansa na tulad niya. Mahal siya ng Diyos at ginawang hari sa buong Israel. Subalit nagkasala siya dahil sa mga babaing banyaga.

27. Susundin ba namin ang inyong masamang halimbawa at susuway sa Diyos dahil sa pag-aasawa ng mga dayuhan?”

28. Isa sa mga anak ni Joiada (na anak ng pinakapunong pari na si Eliasib) ay nag-asawa ng isang babae mula sa angkan ni Sanbalat na Horonita; kaya't pinalayas ko siya sa Jerusalem.

Nehemias 13