21. Kahit na alam nilang may Diyos, siya'y hindi nila pinarangalan bilang Diyos, ni pinasalamatan man lang. Sa halip, naghaka-haka sila ng mga bagay na walang kabuluhan kaya't nagdilim ang hangal nilang pag-iisip.
22. Sila'y nagmamarunong ngunit lumitaw na sila'y mga hangal.
23. Tinalikuran nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba nila'y mga larawan ng mga taong may kamatayan, ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga hayop na gumagapang.
24. Kaya't hinayaan na sila ng Diyos sa kanilang maruruming pagnanasa hanggang sa hindi na nila mapigil ang paggawa ng kahalayan sa isa't isa.
25. Ang katotohanan tungkol sa Diyos ay tinalikuran at pinalitan nila ng kasinungalingan. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha, sa halip na ang lumikha, na siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen.