Mga Taga-Galacia 1:1-8 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

1. Mula kay Pablo na hinirang na apostol, hindi ng tao o sa pamamagitan ng tao, kundi ni Jesu-Cristo at ng Diyos Ama na muling bumuhay kay Jesus.

2. Ang lahat ng kapatid na naririto ay kasama kong bumabati sa mga iglesya sa Galacia:

3. Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos Ama at sa ating Panginoong Jesu-Cristo.

4. Inialay ni Jesu-Cristo ang kanyang sarili dahil sa ating kasalanan ayon sa kalooban ng ating Diyos Ama upang mahango tayo sa kasamaang naghahari ngayon sa sanlibutang ito.

5. Purihin ang Diyos magpakailanman! Amen.

6. Nagtataka ako kung bakit kay dali ninyong tumalikod sa Diyos na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng kagandahang-loob ni Cristo at kayo'y bumaling agad sa ibang magandang balita.

7. Ang totoo'y wala namang ibang magandang balita; kaya nga lamang, may mga nanggugulo sa inyo at nagsisikap na baguhin ang Magandang Balita ni Cristo.

8. Subalit parusahan nawa ng Diyos ang sinuman, maging kami o isang anghel man na mula sa langit, na mangaral sa inyo ng Magandang Balita na iba sa ipinangaral na namin sa inyo.

Mga Taga-Galacia 1