20. Ang aking pinakananais at inaasahan ay ang hindi ako mapahiya sa anumang bagay; kundi sa lahat ng panahon ay buong tapang kong maparangalan si Cristo sa buhay o sa kamatayan man.
21. Sapagkat para sa akin, si Cristo ang aking buhay at kahit kamatayan ay pakinabang.
22. Ngunit kapag ako'y mananatiling buháy, ito'y kapaki-pakinabang din sapagkat ako'y makakagawa pa ng mabubuting bagay. Hindi ko malaman kung alin ang aking pipiliin.
23. May pagtatalo sa loob ko; gusto ko nang pumanaw sa mundong ito upang makapiling ni Cristo, sapagkat ito ang lalong mabuti para sa akin.
24. Ngunit alang-alang sa inyo, mas kailangan pang manatili ako sa buhay na ito.
25. Dahil dito, natitiyak kong ako'y mabubuhay pa at makakasama ninyong lahat upang matulungan kayong magpatuloy nang may kagalakan sa inyong pananalig sa Panginoon.
26. Kung magkagayon, lalo ninyo akong maipagmamalaki at lalo ninyong pupurihin si Cristo Jesus dahil sa aking pagbabalik sa inyo.
27. Kaya nga, mga kapatid, pagsikapan ninyong mamuhay ayon sa Magandang Balita ni Cristo. Sa gayon, makabalik man ako sa inyong piling o hindi, makakatiyak pa rin akong kayo'y nananatili sa iisang layunin at sama-samang ipinaglalaban ang pananalig sa Magandang Balita.
28. Huwag kayong matakot sa inyong mga kaaway. Magpakatatag kayo sapagkat ito mismo ang palatandaan na sila ay mapapahamak at kayo'y maliligtas, sapagkat ang Diyos ang nagbibigay sa inyo ng tagumpay.
29. Dahil ipinagkaloob niya sa inyo, hindi lamang ang manalig sa kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang kay Cristo.
30. Ngayon, kasama ko na kayo sa pakikibakang nakita ninyong ginagawa ko noon, at nababalitaan ninyong ginagawa ko pa rin hanggang ngayon.