Mga Hukom 7:3-12 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

3. Kaya, sabihin mo sa taong-bayan na ang lahat ng natatakot ay maaari nang umuwi.” Nang sabihin ito ni Gideon, umuwi ang 22,000 ngunit 10,000 pa ang naiwan.

4. Sinabi muli ni Yahweh kay Gideon, “Napakarami pa ring natira. Isama mo sila sa tabi ng batis at bibigyan ko sila roon ng pagsubok. Doon ko sasabihin kung sino ang dapat mong isama at kung sino ang hindi.”

5. Ganoon nga ang ginawa ni Gideon. Pagdating nila sa batis, sinabi ni Yahweh, “Ibukod mo ang lahat ng umiinom na parang aso. Ibukod mo rin ang mga nakaluhod habang umiinom.”

6. Ang sumalok ng tubig sa pamamagitan ng kamay upang uminom ay tatlong daan at ang iba'y lumuhod upang uminom.

7. Sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Ang tatlong daang sumalok sa pag-inom ang isasama mo upang pagtagumpayin ko kayo at gapiin ang mga Midianita. Ang iba nama'y pauwiin mo na.”

8. Kaya't pinauwi na ni Gideon ang lahat ng mga Israelita maliban sa tatlong daan. Iniwan sa mga ito ang lahat ng banga at ang mga trumpeta. Ang kampo ng mga Midianita ay nasa libis sa gawing ibaba nila.

9. Kinagabihan, sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Lusubin na ninyo ang kampo ng mga Midianita sapagkat ibinigay ko na sila sa inyong kamay!

10. Kung nag-aalinlangan ka pa hanggang ngayon, pumunta ka sa kampo kasama ang tagapaglingkod mong si Pura.

11. Tiyak na lalakas ang loob mo kapag narinig mo ang kanilang usapan.” Kaya't si Gideon at si Pura ay palihim na nagpunta sa may kampo ng mga Midianita.

12. Ang mga Midianita, pati ang mga Amalekita at mga tribo sa paligid ay naglipana sa kapatagan na parang mga balang sa dami. Ang kanilang mga kamelyo naman ay sindami ng buhangin sa dagat.

Mga Hukom 7