Mga Hebreo 11:32-37 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

32. Magpapatuloy pa ba ako? Kulang ang panahon para maisalaysay ko ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefte, David, Samuel, at mga propeta.

33. Dahil sa pananampalataya nila sa Diyos, nagwagi sila laban sa mga kaharian, namuhay sila nang matuwid, at nagkamit ng mga ipinangako ng Diyos. Napaamo nila ang mga leon,

34. napatay ang naglalagablab na apoy, at nakaligtas sila sa tiyak na kamatayan. Sila'y mahihina ngunit binigyan ng lakas upang maging magiting sa digmaan, kaya't natalo ang hukbo ng mga dayuhan.

35. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, ibinalik sa ilang mga babae ang kanilang mga mahal sa buhay na namatay matapos ang mga ito'y buhaying muli.May mga tumangging sila'y palayain, sapagkat pinili nila ang mamatay sa pahirap upang sila'y muling buhayin at magtamo ng mas mabuting buhay.

36. Mayroon namang hinamak at hinagupit, at mayroon ding ibinilanggong nakakadena.

37. Ang iba naman ay pinagbabato, nilagari sa dalawa, at pinatay sa tabak. Ang iba'y nagdamit ng balat ng tupa at kambing, ang iba'y namulubi, inapi, at pinagmalupitan.

Mga Hebreo 11