40. Nabalitaan ng hari ng Arad na naninirahan sa timog ng Canaan ang pagdating ng mga Israelita sa Bundok ng Hor.
41-49. Mula naman sa Bundok ng Hor hanggang sa kapatagan ng Moab, ang mga Israelita ay nagkampo sa mga sumusunod na lugar: Zalmona, Punon, Obot, Iye-Abarim na sakop ng Moab, Dibon-gad, Almondiblataim, kabundukan ng Abarim malapit sa Bundok ng Nebo, at sa kapatagan ng Moab sa kabila ng Jordan at katapat ng Jerico, sa pagitan ng Beth-jesimon at Abelsitim.
50. Nang sila'y nasa kapatagan ng Moab, sinabi ni Yahweh kay Moises,
51. “Ganito ang sabihin mo sa mga Israelita: Pagkatawid ninyo ng Jordan papuntang Canaan,
52. palayasin ninyo ang mga naninirahan doon, durugin ninyo ang kanilang mga rebultong bato at imaheng metal. Gibain din ninyo ang mga sambahan nila sa burol.