138. Yaong mga tuntunin mong iniukol mo sa amin,sa lahat ay naaangkop, at matapat ang layunin.
139. Nag-aapoy ang galit ko, sa puso ko'y nag-aalab,pagkat yaong kaaway ko sa utos mo'y yumuyurak.
140. Ang pangako mo sa amin ay subok na't walang mintis,kaya naman ang lingkod mo'y labis itong iniibig.
141. Kung ako ma'y walang saysay at kanilang itinakwil,gayon pa man, ang utos mo'y hindi pa rin lilimutin.
142. Ang taglay mong katapatan, kailanma'y di kukupas,katuruan mo'y totoo at ito ay walang wakas.
143. Ang buhay ko'y nalilipos ng hirap at suliranin,ngunit ang iyong kautusan ang sa aki'y umaaliw.
144. Ang lahat ng tuntunin mo'y matuwid at walang hanggan,bigyan ako ng unawa at ako ay mabubuhay.(Qof)
145. Buong pusong tumatawag itong iyong abang lingkod;ako'y iyong dinggin, Yahweh, at susundin ko ang utos.
146. Tumatawag ako, Yahweh, sa iyo ay dumaraing,iligtas mo ako ngayon nang ang utos mo ay sundin.
147. Madilim pa, ang lingkod mo ay gising na't tumatawag,sa pangako mong iniwan, pag-asa ko'y nakalagak.