1. Lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo at Saduseo. Upang siya'y subukin, humingi sila sa kanya ng isang himala mula sa langit.
2. Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Kapag dapit-hapon ay sinasabi ninyo, ‘Magiging maganda ang panahon bukas dahil maaliwalas ang langit.’
3. At kapag umaga nama'y sinasabi ninyo, ‘Uulan ngayon dahil madilim ang langit.’ Nakakabasa kayo ng palatandaan sa langit, ngunit hindi ninyo mabasa ang mga palatandaan ng kasalukuyang panahon.
4. Lahing masama at taksil sa Diyos! Naghahanap kayo ng palatandaan, ngunit walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang nangyari kay Jonas!”Pagkatapos nito, umalis si Jesus.
5. Nang tumawid sa ibayo ang mga alagad, nakalimutan nilang magdala ng tinapay.
6. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo at mga Saduseo.”
7. Nag-usap-usap ang mga alagad, “Kasi wala tayong dalang tinapay, kaya sinabi niya iyon.”
8. Alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila kaya't sila'y tinanong, “Bakit ninyo pinag-uusapang kayo'y walang dalang tinapay? Napakaliit ng inyong pananampalataya!
9. Wala pa ba kayong pagkaunawa hanggang ngayon? Nakalimutan na ba ninyo kung paanong pinaghati-hati ang limang tinapay para sa limanlibong tao? Ilang kaing na tinapay ang lumabis?
10. Gayundin ang pitong tinapay para sa apat na libo! Ilang kaing na tinapay ang lumabis?
11. Hindi tungkol sa tinapay ang sinasabi ko nang sabihin ko sa inyong mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo at mga Saduseo! Hindi ba ninyo maunawaan ito?”
12. At naunawaan nila na sila'y pinag-iingat niya sa mga katuruan ng mga Pariseo at mga Saduseo, at hindi sa pampaalsang ginagamit sa tinapay.
13. Nang dumating si Jesus sa bayan ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao patungkol sa Anak ng Tao?”
14. At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan kayo si Juan na Tagapagbautismo. Sabi po naman ng iba, kayo si Elias. At may nagsasabi pong kayo si Jeremias, o isa sa mga propeta.”
15. Tinanong ulit sila ni Jesus, “Ngunit para sa inyo, sino ako?”
16. Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.”