Marcos 9:22-35 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

22. “Gusto po siyang patayin ng masamang espiritu. Madalas inihahagis po siya nito sa apoy at itinatapon siya sa tubig. Subalit kung may magagawa kayo, kami po ay kaawaan at tulungan ninyo.”

23. “Kung may magagawa ako?” tanong ni Jesus. “Mangyayari ang lahat sa sinumang may pananampalataya.”

24. Agad namang sumagot ang ama ng bata, “Naniniwala po ako! Tulungan po ninyo akong madagdagan pa ang aking pananampalataya.”

25. Nang makita ni Jesus na dumadami ang mga tao, sinabi niya sa masamang espiritu, “Inuutusan kita, espiritu ng pagkapipi at pagkabingi, lumabas ka sa bata at huwag ka nang babalik sa kanya!”

26. Nagsisigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata at saka lumabas. Nagmistulang bangkay ang bata kaya't sinabi ng marami, “Patay na siya!”

27. Ngunit ang bata'y hinawakan ni Jesus sa kamay, ibinangon, at ito'y tumayo.

28. Nang pumasok si Jesus sa bahay, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Bakit po hindi namin napalayas ang masamang espiritung iyon?”

29. Sumagot si Jesus, “Mapapalayas lamang ang ganitong uri ng espiritu sa pamamagitan ng panalangin.”

30. Pag-alis nila roon, nagdaan sila sa Galilea. Ayaw niyang malaman ng mga tao ang kanyang kinaroroonan,

31. dahil tinuturuan niya noon ang kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga tao at papatayin, ngunit siya'y mabubuhay muli pagkatapos ng tatlong araw.

32. Ngunit hindi nila naunawaan ang kanyang sinabi, at natatakot din naman silang magtanong sa kanya.

33. Dumating sila sa Capernaum. Nang sila'y nasa bahay na, tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?”

34. Hindi sila makasagot sapagkat ang pinagtatalunan nila'y kung sino sa kanila ang pinakadakila.

35. Naupo si Jesus, tinawag ang Labindalawa at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.”

Marcos 9