Marcos 4:16-32 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

16. “Ang katulad ng mga binhing nalaglag sa batuhan ay ang mga taong nakikinig at malugod na tumatanggap sa mensahe ng Diyos.

17. Subalit ang mensahe ay hindi tumitimo sa kanilang puso kaya't hindi sila nananatili doon. Pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa mensahe ng Diyos, agad silang sumusuko.

18. “Ito naman ang kahulugan ng mga binhing nalaglag sa may damuhang matinik. May mga taong nakikinig ng mensahe ng Diyos

19. ngunit dahil sa alalahanin sa buhay na ito, pagkasilaw sa salapi, o kaya'y pagkahumaling sa ibang mga bagay, ang mensahe ay nawalan na ng puwang sa kanilang puso kaya't hindi ito nakapamunga.

20. “Ito naman ang kahulugan ng mga binhing nalaglag sa matabang lupa. May mga taong nakikinig at tumatanggap sa mensahe ng Diyos at namumunga nang masagana; may tigtatatlumpu, may tig-aanimnapu at may tigsasandaan.”

21. Nagpatuloy si Jesus ng pagsasalita. Sinabi niya, “Sinisindihan ba ang ilawan upang itago sa isang malaking takalan, o kaya'y sa ilalim ng higaan? Hindi ba't kapag nasindihan na ay inilalagay ito sa talagang patungan ng ilaw?

22. Walang natatagong di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag.

23. Makinig ang may pandinig!”

24. Idinugtong pa niya, “Unawain ninyong mabuti ang inyong naririnig. Ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo, at higit pa roon.

25. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa.”

26. Sinabi pa ni Jesus, “Ang kaharian ng Diyos ay maitutulad sa isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid.

27. Natutulog siya kung gabi at bumabangon kung araw. Samantala, ang binhi ay tumutubo at lumalago ngunit hindi alam ng naghasik kung paano.

28. Ang lupa ang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim; usbong muna ang lumilitaw, saka ang tangkay; pagkatapos, nahihitik ito sa butil.

29. Kapag hinog na ang mga butil, agad niya itong ipagagapas sapagkat panahon na para ito'y anihin.”

30. “Saan pa natin maihahambing ang kaharian ng Diyos? Anong talinhaga ang gagamitin natin upang mailarawan ito?” tanong ni Jesus.

31. “Ang katulad nito ay butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi.

32. Ngunit kapag itinanim, ito'y lumalago at nagiging pinakamalaki sa lahat ng tanim; ito'y nagkakasanga nang mayabong, kaya't ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim nito.”

Marcos 4