Marcos 15:1-10 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

1. Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga punong pari, mga pinuno ng bayan, mga tagapagturo ng Kautusan, at iba pang bumubuo ng Sanedrin. Ipinagapos nila si Jesus, at dinala kay Pilato.

2. “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ni Pilato.“Ikaw na ang may sabi,” tugon naman ni Jesus.

3. Nagharap ng maraming paratang ang mga punong pari laban kay Jesus

4. kaya't siya'y muling tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Narinig mo ang dami ng kanilang paratang laban sa iyo.”

5. Ngunit hindi pa rin sumagot si Jesus, kaya't nagtaka si Pilato.

6. Tuwing Pista ng Paskwa, si Pilato ay nagpapalaya ng isang bilanggo, sinumang hilingin sa kanya ng mga taong-bayan.

7. May isang bilanggo noon na ang pangalan ay Barabbas. Kasama siya sa mga nagrebelde, at nakapatay siya noong panahon ng pag-aalsa.

8. Nang lumapit ang mga tao kay Pilato upang hilingin sa kanya na gawin niya ang dati niyang ginagawa,

9. tinanong sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?”

10. Sinabi niya ito sapagkat batid ni Pilato na inggit lamang ang nag-udyok sa mga punong pari upang isakdal si Jesus.

Marcos 15