Marcos 14:21-34 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

21. Mamamatay ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.”

22. Habang kumakain sila, si Jesus ay dumampot ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, kanyang pinaghati-hati ang tinapay at iniabot sa mga alagad. Sinabi niya, “Kunin ninyo ito; ito ang aking katawan.”

23. Dumampot din siya ng kopa at matapos magpasalamat sa Diyos ay iniabot din niya iyon sa mga alagad, at uminom silang lahat.

24. Sinabi niya, “Ito ang aking dugo; pinapagtibay nito ang tipan ng Diyos. Ang aking dugo ay mabubuhos para sa marami.

25. Tandaan ninyo: hinding-hindi na ako muling iinom pa ng alak mula sa katas ng ubas hanggang sa araw na ako'y uminom ng bagong alak sa kaharian ng Diyos.”

26. Umawit sila ng isang himno, at pagkatapos ay nagpunta sila sa Bundok ng mga Olibo.

27. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako'y iiwan ninyong lahat, sapagkat sinasabi sa kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magkakawatak-watak ang mga tupa.’

28. Ngunit pagkatapos na ako'y muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”

29. Sumagot si Pedro, “Kahit na po kayo iwan ng lahat, hindi ko kayo iiwan.”

30. Sabi ni Jesus sa kanya, “Tandaan mo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok nang makalawa, tatlong beses mo akong ikakaila.”

31. Subalit lalong ipinagdiinan ni Pedro, “Kahit ako'y pataying kasama ninyo, hindi ko kayo ikakaila.” Ganoon din ang sinabi ng lahat.

32. Dumating sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Maupo muna kayo rito habang ako'y nananalangin.”

33. At isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban.

34. Sinabi niya sa kanila, “Ang puso ko'y labis na nalulungkot at halos ako'y mamatay na! Maghintay kayo rito at magbantay.”

Marcos 14