Lucas 17:6-16 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

6. Tumugon ang Panginoon, “Kung ang inyong pananampalataya ay maging sinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa punong ito ng sikamoro, ‘Mabunot ka at matanim sa dagat!’ at susundin kayo nito.”

7. “Sino sa inyo ang magsasabi sa kanyang aliping kagagaling sa pag-aararo o pagpapastol ng mga tupa sa bukid, ‘Halika, at kumain ka na’?

8. Hindi ba't ang sasabihin ninyo ay, ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan, magbihis ka, at pagsilbihan mo ako habang ako'y kumakain. Pagkakain ko, saka ka kumain.’

9. Pinasasalamatan ba ng amo ang kanyang alipin dahil sinusunod siya nito?

10. Ganoon din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniuutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami'y mga aliping walang kabuluhan; tumutupad lamang kami sa aming tungkulin.’”

11. Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea.

12. Nang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin. Tumigil ang mga ito sa may kalayuan

13. at sumigaw, “Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!”

14. Pagkakita sa kanila ay sinabi ni Jesus, “Lumakad na kayo at magpatingin sa mga pari.”Habang sila'y naglalakad, silang lahat ay gumaling at luminis.

15. Nang mapuna ng isa na siya'y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos.

16. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat. Ang taong ito'y isang Samaritano.

Lucas 17