Liham Ni Jeremias 1:26-35 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

26. Mayroon nga silang paa, ngunit hindi naman makalakad. Kailangan pang sila'y buhatin at pasanin ng tao. Talagang wala silang kabuluhan.

27. Kahit ang mga nag-aasikaso sa kanila ay napapahiya dahil kapag bumagsak ang mga iyon ay hindi makatayong mag-isa. At kung may magtayo naman, hindi makakilos ang mga iyon. At kung tumagilid ay hindi na maiayos ang kanilang sarili. Ang pag-aalay sa kanila ng handog ay parang pagbibigay ng handog sa mga patay.

28. Ibinibenta ng mga pari ang mga handog sa mga diyus-diyosang iyon at ginugugol para sa kanilang sarili ang pinagbilhan. Ang iba naman ay iniimbak ng mga asawa ng mga pari, sa halip na ipamahagi sa mahihirap.

29. Pati ang mga babaing bagong panganak o nireregla ay hinahayaang humipo sa mga handog. Ang lahat ng ito'y nagpapatunay na sila'y hindi tunay na diyos. Kaya, huwag na huwag ninyo silang sambahin.

30. Paanong matatawag na diyos ang mga diyus-diyosang iyon na yari sa kahoy, ginto at pilak? Pati babae'y pinahihintulutang mag-alay sa kanila ng mga handog.

31. Sa panahon ng pagluluksa, umuupo sa loob ng templo ang mga paring punit ang damit, ahit ang balbas, at walang takip ang ulo.

32. Sumisigaw sila at nananangis sa harap ng mga diyus-diyosang iyon tulad ng mga upahang mananaghoy sa harap ng bangkay.

33. Kung minsan naman, kinukuha ng mga pari ang damit ng mga diyus-diyosang iyon at ipinapasuot sa kanilang mga asawa't anak.

34. Paglingkuran man o laitin ang mga diyus-diyosang iyon ay hindi sila makakaganti. Hindi sila makakapaglagay o makakapagpaalis ng hari.

35. Hindi rin nila mapapayaman ang sinuman. Kung may mangako sa kanila ngunit hindi tumupad, ito'y hindi nila mapipilit.

Liham Ni Jeremias 1