Karunungan Ni Solomon 5:3-15 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

3. Pagsisisihan nila ang kanilang ginawa,at sa gitna ng paghihirap ng damdamin ay sasabihin nila,

4. “Narito ang taong dati'y ating pinagtatawanan! Tayo pala ang hangal!Nilibak natin siya at hinamak.Akala natin ay kabaliwan ang kanyang pamumuhay,at nang mamatay siya'y hindi natin pinarangalan.

5. Ngayon, narito siya't itinuturing na anak ng Diyos,at kabilang sa mga taong hinirang ng Diyos.

6. Tayo pala ang lumihis sa landas ng katotohanan!Hindi tayo namuhay sa liwanag ng katuwiran,hindi man lamang natin nasilayan ang unang sinag ng kanyang liwanag.

7. Nagpakasawa tayo sa daan ng kasamaan at kapahamakan,naglakbay tayo sa gubat ng kasalanan,hindi natin tinunton ang landas ng Panginoon.

8. Ito ang napala natin sa ating pagmamataas,maging ang ipinagmamagaling nating kayamanan ay walang kabutihang naidulot sa atin.

9. Ang lahat ng iyon ay naglahong parang anino,para lamang nagdaang ugong ng balita.

10. “Pagdaan ng barko sa ibabaw ng dagat,nahati ang mga alon at nahawi ang tubig,ngunit pagkalampas ay walang naiwang bakas.

11. Paglipad ng ibon sa himpapawid,di mo matutunton ang kanyang dinaanan.Ang hanging hinampas ng kanyang mga pakpakat binagtas ng mabilis niyang lipad,dagling naghilom na parang di nagalaw.

12. Nahahati ng palasong patungo sa tudlaan ang hangin na kanyang dinaanan,ngunit pagkalampas ay wala ka ring makikitang bakas.

13. Ganyan ang mangyayari sa ating buhay.Isinilang tayo at pagkatapos ay mamamatay,at wala tayong maiiwang bakas ng anumang kabutihan.Sa halip, inaaksaya natin ang panahon sa pagpapakasama.”

14. Ang pag-asa ng masama ay parang dayaming ikinakalat ng malakas na hangin,parang bula sa karagatang hinahampas ng bagyo,parang usok na itinataboy ng banayad na simoy ng hangin.Parang alaala ng isang panauhing tumira lamang nang isang araw.

15. Ngunit ang matuwid ay mabubuhay magpakailanman,gagantimpalaan sila ng Panginoon,iingatan sila ng Kataas-taasang Diyos.

Karunungan Ni Solomon 5