Karunungan Ni Solomon 2:10-24 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

10. “Apihin natin ang mahihirap kahit na sila ay matuwid.Pahirapan natin ang mga biyuda.Huwag nating igalang maging ang matatanda.

11. Ang pairalin nating batas ay ang ating lakas,sapagkat wala tayong mapapala sa pagiging mahina.

12. Tambangan natin ang mga taong matuwid,sapagkat hadlang sila sa ating mga balak.Ipinamumukha nila sa atin ang pagsuway sa kautusan,at sinasabing tayo'y nagkasala laban sa ating kaugalian.

13. Ipinagmamalaki nilang nakikilala nila ang Diyos,at sinasabing sila'y mga anak ng Panginoon.

14. Sila ang nagbibigay sa atin ng mga problema.

15. Makita lang natin sila'y balisa na tayo,sapagkat kaiba ang kanilang gawain at pamumuhay.

16. Ang palagay nila sa atin ay mababang-mababa,at nandidiri sila sa ating gawain.Sinasabi nilang kaligayahan ang wakas ng matuwid,at ipinagmamagaling na sila'y anak ng Diyos.

17. Tingnan natin kung ang sinasabi nila'y magkakatotoo,kung ano ang mangyayari sa kanila pagkamatay nila.

18. Kung ang mga matuwid ay anak nga ng Diyos,sila ay tutulungan niya at ililigtas sa mga kaaway.

19. Subukin natin silang kutyain at pahirapan,upang malaman natin kung hanggang saan ang kanilang kabutihang-loob,at kung hanggang kailan sila makakatagal.

20. Subukin nating ilagay sila sa bingit ng kamatayan,dahil ang sabi nila ay iingatan sila ng Diyos.”

21. Iyon ang pangangatuwiran ng masasama, ngunit sila'y nagkakamali,sapagkat binubulag sila ng kanilang kasamaan.

22. Hindi nila nabatid ang lihim na panukala ng Diyos.Hindi sila umasa sa gantimpala ng kabanalan,hindi naisip ang magandang wakas ng malinis na pamumuhay.

23. Sapagkat ang tao'y hindi nilikha ng Diyos para mamatay,kundi upang maging larawan niyang buháy.

24. Ngunit dahil sa pakana ng diyablo, nakapasok ang kamatayanat ito ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kanya.

Karunungan Ni Solomon 2