Karunungan Ni Solomon 16:1-8 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

1. Dahil dito, pinadalhan sila ng angkop na parusa,pinahirapan sila sa pamamagitan ng napakaraming hayop.

2. Ngunit hindi mo pinarusahan nang ganito ang iyong bayan,sa halip, kinaawaan mo sila, Panginoon.Pinadalhan mo sila ng mga pugo upang may makain sila,masarap at pambihirang pagkain, upang sila'y masiyahan.

3. Ginawa mo ito upang ang mga taong iyon ay hindi makakain kahit nagugutom,sapagkat ang mga hayop na ipinadala mo ay pawang nakakapandiri.Ngunit ang bayan mo'y nagutom lamang ng sandaling panahon,at pagkatapos ay pinakain mo sila agad ng napakasarap na pagkain.

4. Kailangang ang mga mapang-api na bayang iyon ay magdanas ng matinding paghihirap,upang makita ng iyong bayan kung paano mo pinahihirapan ang kanilang mga kaaway.

5. Nang ang bayan mo'y lusubin ng mababangis na hayop at makakamandag na ulupong,at pagpapatayin sila sa bagsik ng kanilang kamandag,hindi nagtagal at nawala na ang galit mo at hindi mo sila pinabayaang malipol.

6. Ang maikling pahirap na iyan ay isang babala lamang.Kapagdaka'y binigyan mo sila ng isang sagisag ng kaligtasan.Ang ahas na tanso ay isang paalala sa kanila na hinihingi ng iyong Kautusan.

7. Ang sinumang tumingin doon ay naligtas sa kagat ng ahas,ngunit hindi sa bisa ng kanilang nakita, kundi sa kapangyarihan mo, ang tagapagligtas ng sangkatauhan.

8. Sa pamamagitan nito, ipinakita mo sa aming mga kaawayna ikaw ang nagliligtas sa tao sa lahat ng kasamaan.

Karunungan Ni Solomon 16