Karunungan Ni Solomon 12:9-24 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

9. bagama't magagawa mong ipagapi sa bayan mong pinili ang masasamang taong iyon,o lipulin sila sa pamamagitan ng mababangis na hayop,o sa bisa ng makapangyarihan mong salita.

10. Ngunit hindi mo binibigla ang pagpapatupad ng iyong hatol,upang mabigyan pa sila ng pagkakataong makapagsisi,kahit alam mong sila'y likas na masama,at hindi na magbabago sa masama nilang paniniwala.

11. Sapagkat sapul pa sa simula, sila'y isang lahing isinumpa,ngunit hindi dahil sa takot kaninuman kaya hindi mo sila pinarusahan.

12. Ikaw ang lumikha sa mga bansang iyon, at walang makakapagtanong kung bakit gayon ang ginawa mo sa kanila.Wala rin namang makakatutol sa iyong naging pasya.Hindi ka maaaring panagutin ninuman sa paglipol mo sa kanila,at walang makakadulog sa hukuman laban sa iyo para ipagtanggol ang makasalanang lahing iyon.

13. Lahat ng bagay ay nasa ilalim ng iyong pangangalaga,at sa iyong paghatol ay wala kang pananagutan sa ibang diyos.

14. Hindi ka maaaring paratangan ng alinmang hari o pinuno,na pinarusahan mo ang lahing iyon nang walang katarungan.

15. Ikaw ay matuwid at makatarungang namamahala sa lahat ng bagay.Hindi mo ginagamit ang iyong kapangyarihanupang parusahan ang isang taong wala namang kasalanan.

16. Sa iyong lakas nagmumula ang iyong katarungan,at maaari kang magpakita ng habag kaninuman sapagkat ikaw ang Panginoon ng lahat.

17. Ipinapakita mo ang iyong lakas sa nag-aalinlangan sa iyong ganap na kapangyarihan,at pinaparusahan mo ang sinumang nakakaalam nito ngunit sinasadyang di ka pansinin.

18. Walang hanggan ang kapangyarihan mo ngunit mahabagin ka kung humatol.Maaari mo kaming parusahan kung iyan ang nais mo,ngunit sa halip ay pinamamahalaan mo kami nang buong hinahon at pagpipigil.

19. Sa pamamagitan ng ginawa mong iyan,itinuro mo sa mga taong makatarunganna dapat din silang maging maawain.At binigyan mo naman ng pag-asa ang iyong bayan,sa pagkakaloob sa kanila ng pagkakataong makapagsisi.

20. Naging marahan at maunawain ka sa pagpaparusa sa mga kaaway ng iyong bayan.Bagama't dapat na silang mamatay,binigyan mo pa rin sila ng lahat ng pagkakataong iwanan ang masama nilang pamumuhay.

21. Ngunit naging mahigpit ka sa paghatol sa iyong bayan,bagama't nakipagtipan ka sa kanilang mga ninuno at pinangakuan sila ng mabubuting bagay.

22. Oo, kami'y iyong pinarusahan, ngunit higit na matindi ang parusa mo sa aming mga kaaway,upang kapag kami ay humatol sa iba, ay maalala namin ang iyong kabutihan.At kapag kami naman ang hinatulan, ay makaasa kami na kami'y kahahabagan.

23. Pinarusahan mo ang mga namuhay nang masama,at ang ginamit mo sa pagpaparusa ay ang mga kasuklam-suklam na bagay na kanilang sinamba.

24. Nahiwalay sila nang malayo sa katotohanan,at sumamba sa mga kasuklam-suklam na hayop.Nalinlang sila na para bang mga batang walang isip.

Karunungan Ni Solomon 12