9. Nang mabalitaan nga ni Judith ang matinding pagrereklamo ng mga tao kay Uzias at sa mga pinuno ng bayan dahil sa kakulangan ng tubig, at kung paanong ipinangako ni Uzias na isusuko na sa mga taga-Asiria ang lunsod pagkalipas ng limang araw,
10. tinawag niya ang isang alilang babae na namamahala sa lahat niyang ari-arian. Pinapunta niya ito sa pinuno ng lunsod upang hilingin kina Uzias, Cabris, at Carmis na makipagkita sa kanya.
11. Nang dumating ang mga pinuno, sinabi ni Judith, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko, kayong mga pinuno ng Bethulia. Wala kayong karapatang sabihin sa mga tao at isumpa sa harapan ng Diyos na isusuko ninyo sa kaaway ang lunsod natin kung hindi tutulong ang Panginoon sa loob ng limang araw.
12. Bakit ninyo sinusubok ang Diyos? Itinaas ninyo ang inyong sarili at hindi ang Diyos.
13. Ano't sinusubok ninyo ang Panginoong Makapangyarihan sa lahat? Hindi na ba kayo natuto?
14. Kung ang nasa loob ng isang tao ay di ninyo maunawaan, at di rin ninyo kayang unawain ang pag-iisip ng isang tao, gaano pa kaya ang Lumalang sa tao? Kaya ba ninyong tarukin ang pag-iisip ng Diyos? Hindi, mga kaibigan! Huwag ninyong udyukang magalit ang Panginoon nating Diyos.
15. Pagkat kung ayaw niyang tumulong sa atin sa loob ng limang araw, malaya pa rin niya tayong matutulungan kung kailan niya naisin, o kaya'y maipapasya rin niyang hayaan tayong mapahamak sa kaaway.
16. Hindi ninyo dapat limitahan ang Panginoon nating Diyos; hindi siya maaaring bantaan o pakitunguhang gaya ng isang tao lamang.
17. Kaya, hintayin natin ang kanyang pagliligtas sa atin. Samantala, manalangin tayo sa kanya. Kung kanyang mamarapatin, tutulungan niya tayo.
18. “Wala ni isa man ngayon sa ating lipi o sambahayan, purok o bayan, na sumasamba sa mga diyus-diyosang gawa ng tao bagaman iyon ay ginawa ng ating mga ninuno.
19. Nangyari ito nang nakaraang panahon at siya ngang naging dahilan ng pagkahulog ng ating mga ninuno sa kamay ng kaaway. Sila'y pinatay, sinamsaman ang kanilang lunsod at mga bahay; kahindik-hindik ang pagkawasak nila!
20. Subalit tayo'y walang ibang kinikilala kundi ang Panginoon nating Diyos, at nagtitiwala tayong hindi niya itatakwil ang sinuman sa ating lahi.
21. Sapagkat ang pagkabihag natin ay mangangahulugan ng pagkalipol ng buong Juda at pagkasira ng ating templo. Mananagot tayo sa Diyos kapag iyon ay nilapastangan.
22. Saanman tayo dalhin bilang mga alipin ng mga Hentil, susunod sa atin ang parusa ng Diyos, tulad ng pagkasawi at pagkabihag ng ating mga kababayan, at pagkatiwangwang ng minana nating lupain.
23. Wala tayong mapapala kung susuko't magpapaalipin tayo sa ating mga kaaway; ito'y loloobin ng Panginoon nating Diyos na maging ating kahihiyan.
24. “Kaya nga, mga kaibigan, maging huwaran tayo sa ating mga kababayan, sapagkat nasa mga kamay natin ang kaligtasan nila, pati ng santuwaryo, templo, at altar.