Judith 8:22-36 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

22. Saanman tayo dalhin bilang mga alipin ng mga Hentil, susunod sa atin ang parusa ng Diyos, tulad ng pagkasawi at pagkabihag ng ating mga kababayan, at pagkatiwangwang ng minana nating lupain.

23. Wala tayong mapapala kung susuko't magpapaalipin tayo sa ating mga kaaway; ito'y loloobin ng Panginoon nating Diyos na maging ating kahihiyan.

24. “Kaya nga, mga kaibigan, maging huwaran tayo sa ating mga kababayan, sapagkat nasa mga kamay natin ang kaligtasan nila, pati ng santuwaryo, templo, at altar.

25. Dapat tayong magpasalamat sa Panginoon nating Diyos; sinusubok lamang niya tayo, gaya ng ginawa sa ating mga ninuno.

26. Alalahanin ninyo ang pagsubok na ginawa kay Abraham at kay Isaac, at ang nangyari kay Jacob noong siya'y nasa Mesopotamia at naglilingkod bilang pastol ng kawan ni Laban na kanyang amain.

27. Hindi tayo ipinaiilalim ng Diyos sa mahigpit na kahirapan para subukin ang katapatan tulad ng nangyari sa ating mga ninunong iyon. At hindi rin siya naghihiganti sa atin; manapa'y dinidisiplina niya tayo para ituwid.”

28. At sumagot si Uzias, “Tama ang sinabi mo; totoong lahat ang iyong binanggit, at walang makapagpapabulaan diyan.

29. Hindi lamang ito ang kauna-unahang pagkakataon na pinatunayan mo ang iyong karunungan. Sapul pa sa iyong pagkabata,

30. napatunayan na namin ang matuwid mong paghatol. Subalit nagkakamatay na ang mga tao dahil sa uhaw, kaya't napilitan kaming mangako at sumumpang gayon ang gagawing hakbang.

31. Ikaw ay babaing may takot sa Diyos. Ipanalangin mo kami. Hingin mo sa Panginoon na magpaulan para mapuno ang ating mga balon nang hindi tayo manlupaypay sa kawalan ng tubig.”

32. Sumagot naman si Judith, “Pakinggan ninyo akong mabuti. Ako'y may gagawin at magugunita ito ng lahat ng salinlahi.

33. Magbantay kayo mamayang gabi sa pintuang-pasukan at ako nama'y lalabas na kasama ang aking lingkod. Bago sumapit ang araw na ipinangako ninyo upang isuko sa ating kaaway ang lunsod na ito, ililigtas ng Panginoon ang bansang Israel sa pamamagitan ko.

34. Subalit huwag ninyong sikapin pang malaman ang aking balak. Hindi ko sasabihin sa inyo hanggang hindi natutupad.”

35. Nang magkagayon, sinabi sa kanya ni Uzias at ng ibang pinunong-bayan, “Lumakad kang taglay ang pagpapala namin. Sumaiyo ang Diyos sa paghihiganting gagawin mo sa ating mga kaaway.”

36. At nilisan nila ang tahanan ng babae at nagbalik sa kanilang lugar.

Judith 8