Judith 8:13-31 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

13. Ano't sinusubok ninyo ang Panginoong Makapangyarihan sa lahat? Hindi na ba kayo natuto?

14. Kung ang nasa loob ng isang tao ay di ninyo maunawaan, at di rin ninyo kayang unawain ang pag-iisip ng isang tao, gaano pa kaya ang Lumalang sa tao? Kaya ba ninyong tarukin ang pag-iisip ng Diyos? Hindi, mga kaibigan! Huwag ninyong udyukang magalit ang Panginoon nating Diyos.

15. Pagkat kung ayaw niyang tumulong sa atin sa loob ng limang araw, malaya pa rin niya tayong matutulungan kung kailan niya naisin, o kaya'y maipapasya rin niyang hayaan tayong mapahamak sa kaaway.

16. Hindi ninyo dapat limitahan ang Panginoon nating Diyos; hindi siya maaaring bantaan o pakitunguhang gaya ng isang tao lamang.

17. Kaya, hintayin natin ang kanyang pagliligtas sa atin. Samantala, manalangin tayo sa kanya. Kung kanyang mamarapatin, tutulungan niya tayo.

18. “Wala ni isa man ngayon sa ating lipi o sambahayan, purok o bayan, na sumasamba sa mga diyus-diyosang gawa ng tao bagaman iyon ay ginawa ng ating mga ninuno.

19. Nangyari ito nang nakaraang panahon at siya ngang naging dahilan ng pagkahulog ng ating mga ninuno sa kamay ng kaaway. Sila'y pinatay, sinamsaman ang kanilang lunsod at mga bahay; kahindik-hindik ang pagkawasak nila!

20. Subalit tayo'y walang ibang kinikilala kundi ang Panginoon nating Diyos, at nagtitiwala tayong hindi niya itatakwil ang sinuman sa ating lahi.

21. Sapagkat ang pagkabihag natin ay mangangahulugan ng pagkalipol ng buong Juda at pagkasira ng ating templo. Mananagot tayo sa Diyos kapag iyon ay nilapastangan.

22. Saanman tayo dalhin bilang mga alipin ng mga Hentil, susunod sa atin ang parusa ng Diyos, tulad ng pagkasawi at pagkabihag ng ating mga kababayan, at pagkatiwangwang ng minana nating lupain.

23. Wala tayong mapapala kung susuko't magpapaalipin tayo sa ating mga kaaway; ito'y loloobin ng Panginoon nating Diyos na maging ating kahihiyan.

24. “Kaya nga, mga kaibigan, maging huwaran tayo sa ating mga kababayan, sapagkat nasa mga kamay natin ang kaligtasan nila, pati ng santuwaryo, templo, at altar.

25. Dapat tayong magpasalamat sa Panginoon nating Diyos; sinusubok lamang niya tayo, gaya ng ginawa sa ating mga ninuno.

26. Alalahanin ninyo ang pagsubok na ginawa kay Abraham at kay Isaac, at ang nangyari kay Jacob noong siya'y nasa Mesopotamia at naglilingkod bilang pastol ng kawan ni Laban na kanyang amain.

27. Hindi tayo ipinaiilalim ng Diyos sa mahigpit na kahirapan para subukin ang katapatan tulad ng nangyari sa ating mga ninunong iyon. At hindi rin siya naghihiganti sa atin; manapa'y dinidisiplina niya tayo para ituwid.”

28. At sumagot si Uzias, “Tama ang sinabi mo; totoong lahat ang iyong binanggit, at walang makapagpapabulaan diyan.

29. Hindi lamang ito ang kauna-unahang pagkakataon na pinatunayan mo ang iyong karunungan. Sapul pa sa iyong pagkabata,

30. napatunayan na namin ang matuwid mong paghatol. Subalit nagkakamatay na ang mga tao dahil sa uhaw, kaya't napilitan kaming mangako at sumumpang gayon ang gagawing hakbang.

31. Ikaw ay babaing may takot sa Diyos. Ipanalangin mo kami. Hingin mo sa Panginoon na magpaulan para mapuno ang ating mga balon nang hindi tayo manlupaypay sa kawalan ng tubig.”

Judith 8