Judith 7:3-15 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

3. Sila'y nagkampo sa kapatagang malapit sa Bethulia. Ang kampo'y napakalaki; ang luwang ay abot sa Balbaim patungong Dotan at ang haba'y hanggang Ciamon na paharap sa Esdreadan.

4. Nang makita ng mga Israelita ang di mabilang na hukbong sandatahan, naligalig sila. “Lilipulin ng mga taong ito ang buong bayan! Mapupuno sa dami nila ang mga bundok, kapatagan, at burol,” sabi nilang labis na nababahala.

5. Ngunit kahit nababahala, kumuha ng sandata ang mga lalaki, nagsindi ng mga ilawan sa mga tanggulan, at magdamag na nagbantay.

6. Kinaumagahan, pinangunahan ni Holofernes ang kanyang hukbong kabayuhan. Kitang-kita sila ng mga Israelitang nasa Bethulia.

7. Siniyasat niya ang mga lagusan ng bayan at ang mga bukal na iniigiban ng mga Israelita. Nang makitang mapapakinabangan ang mga bukal, inagaw niya ang mga ito. Matapos magtakda ng mga kawal na magbabantay doon, siya'y nagbalik na sa kanyang kampo.

8. Nagpuntahan kay Holofernes ang lahat ng pinuno ng mga Edomita, Moabita, at mga bayan sa baybayin ng dagat. Sabi nila,

9. “Makinig po kayo sa aming payo, panginoon naming Holofernes, kung nais ninyong makaligtas sa mapait na pagkatalo ang inyong hukbo.

10. Ang mga Israelitang iyan ay hindi nananangan sa kanilang mga sibat kundi sa kataasan ng kaburulang kinalalagyan nila. Hindi madaling akyatin ang mga tuktok niyon.

11. Kaya, nakikiusap kami, huwag na nating tuwirang lusubin sila, nang huwag kayong malagasan kahit isang kawal.

12. Mamalagi na lamang po kayo sa inyong himpilan at ang mga kawal sa kanilang kampo. Ipakubkob na lamang po ninyo sa inyong mga kawal ang mga bukal sa paanan ng burol,

13. sapagkat doon umiigib ang lahat ng taga-Bethulia. Kapag uhaw na uhaw na sila ay isusuko rin nila ang bayan. Samantala, kaming lahat nama'y aakyat sa mga kalapit na burol at doon magbabantay para walang makalabas mula sa lunsod.

14. Mamamatay sa gutom ang kanilang asawa't mga anak. Bago pa sila abutin ng tabak, mahahandusay na ang kanilang mga bangkay.

15. Iyon ang magiging mabigat na parusa sa kanilang pagtanggi sa inyo, sa halip na makipagkasundo.”

Judith 7