Judith 7:11-26 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

11. Kaya, nakikiusap kami, huwag na nating tuwirang lusubin sila, nang huwag kayong malagasan kahit isang kawal.

12. Mamalagi na lamang po kayo sa inyong himpilan at ang mga kawal sa kanilang kampo. Ipakubkob na lamang po ninyo sa inyong mga kawal ang mga bukal sa paanan ng burol,

13. sapagkat doon umiigib ang lahat ng taga-Bethulia. Kapag uhaw na uhaw na sila ay isusuko rin nila ang bayan. Samantala, kaming lahat nama'y aakyat sa mga kalapit na burol at doon magbabantay para walang makalabas mula sa lunsod.

14. Mamamatay sa gutom ang kanilang asawa't mga anak. Bago pa sila abutin ng tabak, mahahandusay na ang kanilang mga bangkay.

15. Iyon ang magiging mabigat na parusa sa kanilang pagtanggi sa inyo, sa halip na makipagkasundo.”

16. Sinang-ayunan ni Holofernes at ng lahat ng kanyang tauhan ang mungkahing ito.

17. Agad niyang ipinatupad ang utos kaugnay nito. Ang pangkat ng mga Moabita ay lumakad kasama ng 5,000 taga-Asiria at nagkampo sa kapatagan. Pinigilan nila ang pagdaloy ng mga bukal na igiban ng mga Israelita.

18. Ang mga Edomita naman at mga Ammonita ay umakyat at nagbantay sa kaburulang nasa itaas ng Dotan. Pinapunta nila ang iba sa gawing timog-silangan papuntang Egrebel, malapit sa Kus sa may ilog ng Mocmur. Sa kapatagan tumigil ang natitirang hukbong Asirio. Malawak ang lugar na iyon at naging napakalaking kampo, halos mapuno ng kanilang mga tolda at mga kagamitan. Talagang napakalaking pangkat!

19. Nang ito'y makita ng mga Israelita, humingi sila ng tulong sa Panginoon na kanilang Diyos. Nasiraan sila ng loob sapagkat napapaligiran sila ng kaaway at wala silang makitang anumang paraan para makaligtas.

20. Hinarangan ng hukbong taga-Asiria ang pasukan at labasan ng mga Israelita sa loob ng tatlumpu't apat na araw. Naroon ang napakaraming sundalo at hukbong nakakabayo, at ang mga nakakarwahe. At naubos nga ang inipong tubig sa bawat tahanan sa Bethulia.

21. Tuyo na rin ang mga balon. Mahigpit ang pagrarasyon ng tubig kaya't hindi nakakasapat sa kanilang pangangailangan.

22. Nanghihina na rin ang mga bata dahil sa matinding uhaw. Nawawalan ng malay sa malabis na kauhawan ang mga babae at kabinataan. Nahahandusay na lamang sa mga lansangan at mga pintuan ang marami dahil sa kauhawan.

23. Ang lahat—kabinataan, kababaihan, at mga bata—ay nagtipon sa harapan ni Uzias at ng mga pinuno ng bayan, at nagsigawan. Ang sabi nila,

24. “Diyos ang humatol sa atin kung di kayo nakagawa ng napakalaking kamalian sa hindi ninyo pakikipagkasundo sa mga taga-Asiria.

25. Tingnan ninyo, walang tumulong ngayon sa atin. Ipinailalim na tayo ng Diyos sa kanilang kapangyarihan. Mararatnan nila tayong patay bunga ng matinding pagkauhaw, at nakakalat sa buong lupain ang ating mga bangkay.

26. Sumuko na tayo! Hayaan na nating samsamin ng hukbo ni Holofernes ang lahat ng maibigan nila rito.

Judith 7