7. Sabihin mong ako'y ipaghanda ng lupa at tubig para mapatunayang sila'y lubusang sumusuko. Humanda rin sila sa gagawin kong pagsalakay dahil sa matinding poot ko sa kanila. Ang kanilang lupain ay mapupuno ng mga kawal na ipadadala ko upang puksain sila.
8. Malalatagan ng mga sugatan ang mga libis at lulutang ang mga bangkay sa mga ilog at sapa hanggang sa umapaw ang mga ito.
9. Ang makakaligtas nama'y ipatatapon ko hanggang sa kasuluk-sulukan ng daigdig.
10. “Mauna ka sa akin at sakupin mo para sa akin ang kanilang lupain. Kung sila'y sumuko sa iyo, bantayan mo silang mabuti hanggang sa araw ng pagpaparusa ko sa kanila.
11. At kung sila'y magtatangkang lumaban, huwag mo silang kakaawaan. Patayin mo sila't samsaman ng ari-arian.
12. Isinusumpa kong anuman ang mangyari sa akin at sa kaharian, ang sinabi kong ito'y matutupad sa pamamagitan ng aking kapangyarihan.
13. Huwag mong lalabagin ang alinmang iniutos ko. Tandaan mong ako ang hari mo. Gawin mo ang aking sinabi at huwag mo itong ipagpaliban pa!”
14. Nilisan ni Holofernes ang hari at ipinatawag ang lahat ng mga pinuno, mga heneral, at mga opisyal ng hukbo ng Asiria.
15. Nakatipon siya ng 120,000 piling sundalo gaya ng iniutos ng kanyang panginoon at 12,000 pang manunudla na nakakabayo.
16. Sila'y pinagpangkat-pangkat niya upang humarap sa labanan.
17. Nagsama siya ng napakaraming kamelyo, asno at kabayong tagadala ng mga kargamento nila. Marami rin silang dalang mga tupa, baka at kambing para makain nila.
18. Sagana sa pagkain ang lahat ng kawal at marami rin silang salaping ginto at pilak na galing sa palasyo ng hari.