Judith 11:1-12 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

1. “Pumanatag ka,” sabi ni Holofernes. “Huwag kang matakot. Hindi ko sinasaktan ang sinumang gustong maglingkod kay Nebucadnezar, na hari ng sangkalupaan.

2. Hindi ko pag-iisipang digmain ang mga kababayan mong nakatira sa kaburulan kung di nila ako hinamak. Sila na rin ang nag-udyok sa akin na gawin ito.

3. Ngayon, sabihin mo kung bakit ka humiwalay sa kanila at umaanib sa amin. Nailigtas mo ang iyong buhay sa iyong pagparito. Pumanatag ka. Ligtas ka na sa panganib.

4. Walang sinumang mananakit sa iyo rito. Papakitunguhan ka tulad ng mga nasasakupan ng aking panginoon na si Haring Nebucadnezar.”

5. Sumagot si Judith, “Panginoon ko, pahintulutan po ninyong makapagsalita ang inyong abang alipin. Ang sasabihin ko sa inyo sa gabing ito'y siyang katotohanan.

6. Kung susundin ninyo ang aking ipapayo, gagawa ang Diyos ng isang bagay sa pamamagitan ninyo, at tiyak na kayo'y hindi mabibigo.

7. Mabuhay si Nebucadnezar, hari ng buong lupa, ang makapangyarihang nagsugo sa inyo upang magbigay-kaayusan sa lahat ng nilalang, at sumusumpa ako sa pangalan ng hari. Sa pamamagitan ninyo, hindi lamang mga tao ang naglilingkod sa kanya; maging ang maiilap na hayop, mga baka, at mga ibon ay naglilingkod din sa kanya. Utang nila sa inyong kapangyarihan ang kanilang buhay habang naghahari si Nebucadnezar.

8. Nabalitaan namin ang tungkol sa inyong karunungan at kakayahan. Alam ng buong daigdig na sa buong Imperyo ng Asiria, kayo'y walang kapantay sa karunungan at kasanayan bilang mandirigma.

9. Alam namin ang tungkol sa mga sinabi ni Aquior sa inyong kapulungan, sapagkat sinabi niya ito sa mga taga-Bethulia na nagligtas sa kanya.

10. Huwag ninyong ipagwalang-bahala ang sinabi niya, panginoon. Paniwalaan po ninyo sapagkat iyon ay totoo. Talaga pong hindi dumaranas ng parusa ang aming lahi at hindi kami natatalo ng kaaway, maliban kung kami'y magkasala laban sa aming Diyos.

11. “Subalit hindi kayo mabibigo ngayon, panginoon, sapagkat nakatakda na silang mamatay. Nasa ilalim sila ng kapangyarihan ng kasalanan, at kapag sila'y gumawa ng kamalian, mag-aalab sa kanila ang poot ng Diyos.

12. Dahil sa pagkaubos ng pagkain at inumin, ipinasya nilang patayin ang kanilang mga hayop, at kumain na rin ng mga bagay na ipinagbabawal ng Diyos na kainin.

Judith 11