Judith 10:3-11 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

3. Hinubad niya ang damit-panluksa, gayon din ang kanyang kasuotang pambiyuda. Pagkatapos, naligo siya at nagpabango. Sinuklay niya ang kanyang buhok at nilagyan ng mga palamuti. Nagbihis siya ng pinakamagara niyang damit na ginagamit niya kapag may mga tanging kasayahan noong nabubuhay pa ang kanyang asawang si Manases.

4. Nagsuot siya ng sandalyas, pulseras para sa binti at bisig, mga singsing at hikaw, at lahat ng panggayak. Nagpaganda siyang mabuti para maakit ang sinumang lalaking makakakita sa kanya.

5. Pinapagdala niya ang kanyang lingkod ng sisidlang puno ng alak at isang lalagyang may langis. Kumuha siya ng isang bag at pinuno ito ng binusang trigo, tinuyong igos at pinakamasarap na tinapay, at ipinadala sa lingkod.

6. Sila'y lumabas sa pintuan ng Bethulia at doo'y naraanang nakatayo't nagbabantay si Uzias, kasama sina Cabris at Carmis na pinuno ng bayan.

7. Pagkakita nila kay Judith na iba na ang anyo at kagayakan, gayon na lamang ang kanilang paghanga sa kanyang kagandahan. At sinabi nila rito,

8. “Samahan ka nawa ng Diyos ng ating mga ninuno at matupad mong matagumpay ang iyong binabalak upang magwagi ang Israel at matanyag ang Jerusalem.”Sumamba si Judith sa Diyos.

9. Pagkatapos ay sinabi sa kanila, “Pabuksan na ninyo ang pinto at ako'y lalabas upang gawin ang napag-usapan natin.” Iniutos nga nila sa mga kabataang lalaki na buksan ang pinto

10. at lumabas si Judith, kasama ang kanyang lingkod. Sinundan siya ng tingin ng mga kalalakihan sa bayan habang bumababa ng burol hanggang sa makatawid ng kapatagan at hindi na nila makita.

11. Nang ang dalawang babae ay dumadaan sa kapatagan, nasalubong nila ang isang pangkat ng mga kawal na taga-Asiria na nagpapatrolya.

Judith 10