48. Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay.
49. Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila'y nasa ilang, ngunit sila'y namatay.
50. Narito ang tinapay na bumabâ mula sa langit upang ang sinumang kumain nito ay hindi na mamatay.
51. Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumabâ mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay ay ang aking katawan na ibibigay ko upang mabuhay ang sangkatauhan.”
52. Dahil dito'y nagkaroon ng mainitang pagtatalu-talo ang mga Judio, “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang makain natin?”
53. Sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay.
54. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw.
55. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin.
56. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya.
57. Buháy ang Ama na nagsugo sa akin at ako'y nabubuhay dahil sa kanya. Gayundin naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin.
58. Ito ang tinapay na bumabâ mula sa langit. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga ninuno sa ilang; namatay sila kahit na kumain niyon. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”
59. Sinabi ito ni Jesus sa sinagoga habang siya'y nagtuturo sa Capernaum.
60. Narinig ito ng kanyang mga alagad at marami sa kanila ang nagsabi, “Mabigat na pananalita ito; sino ang makakaunawa nito?”
61. Alam ni Jesus na nagbubulung-bulungan ang kanyang mga alagad tungkol dito; kaya't sinabi niya, “Dahil ba rito'y tatalikuran na ninyo ako?
62. Gaano pa kaya kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng Tao papunta sa dati niyang kinaroroonan?
63. Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng tao. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritung nagbibigay-buhay.
64. Ngunit may ilan sa inyong hindi nananalig sa akin.” Alam na ni Jesus buhat pa noong una kung sinu-sino ang hindi mananalig sa kanya, at kung sino ang magkakanulo sa kanya.
65. Idinugtong pa niya, “Iyan ang dahilan kaya ko sinabi sa inyo na walang makakalapit sa akin malibang ito'y loobin ng Ama.”