Juan 11:27-36 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

27. Sumagot siya, “Opo, Panginoon! Sumasampalataya po ako sa inyo at naniniwalang kayo nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos na paparito sa daigdig.”

28. Pagkasabi nito, umuwi si Marta. Tinawag niya si Maria at binulungan, “Naririto na ang Guro at ipinapatawag ka.”

29. Pagkarinig nito'y nagmadaling tumayo si Maria upang salubungin si Jesus.

30. Wala pa si Jesus sa nayon; naroon pa lamang siya sa lugar kung saan siya sinalubong ni Marta.

31. Nang makitang si Maria'y nagmamadaling tumayo at lumabas, sinundan siya ng mga Judiong nakikiramay sa kanila. Akala nila'y pupunta siya sa libingan upang umiyak.

32. Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito at nagsabi, “Panginoon, kung narito po lamang kayo, hindi sana namatay ang aking kapatid.”

33. Nahabag si Jesus at nabagbag ang kanyang kalooban nang makita niyang umiiyak si Maria, pati ang mga Judiong kasama nito.

34. “Saan ninyo siya inilibing?” tanong ni Jesus.Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.”

35. Tumangis si Jesus,

36. kaya't sinabi ng mga Judio, “Talagang mahal na mahal niya si Lazaro!”

Juan 11