12. “Panginoon, kung natutulog lang po siya ay gagaling siya,” sagot ng mga alagad.
13. Ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na si Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay talagang natutulog lamang ito.
14. Dahil dito'y tuwirang sinabi ni Jesus, “Patay na si Lazaro;
15. ngunit ako'y nagagalak dahil wala ako roon upang kayo'y sumampalataya sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.”
16. Niyaya ni Tomas, na tinatawag na Kambal, ang kanyang mga kasama, “Sumama tayo sa Guro, mamamatay tayong kasama niya.”
17. Pagdating ni Jesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro.
18. May tatlong kilometro lamang ang layo ng Jerusalem sa Bethania,
19. kaya't maraming taga-Jerusalem ang dumalaw kina Marta at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid.
20. Nang mabalitaan ni Marta na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito, ngunit si Maria nama'y naiwan sa bahay.
21. Sinabi ni Marta, “Panginoon, kung kayo po ay narito, buháy pa sana ang kapatid ko.
22. Subalit nalalaman kong kahit ngayo'y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.”
23. “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” sabi ni Jesus.
24. Sumagot si Marta, “Nalalaman ko pong siya'y mabubuhay muli sa huling araw.”
25. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang nagbibigay-buhay at muling pagkabuhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay;
26. at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?”
27. Sumagot siya, “Opo, Panginoon! Sumasampalataya po ako sa inyo at naniniwalang kayo nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos na paparito sa daigdig.”
28. Pagkasabi nito, umuwi si Marta. Tinawag niya si Maria at binulungan, “Naririto na ang Guro at ipinapatawag ka.”
29. Pagkarinig nito'y nagmadaling tumayo si Maria upang salubungin si Jesus.
30. Wala pa si Jesus sa nayon; naroon pa lamang siya sa lugar kung saan siya sinalubong ni Marta.
31. Nang makitang si Maria'y nagmamadaling tumayo at lumabas, sinundan siya ng mga Judiong nakikiramay sa kanila. Akala nila'y pupunta siya sa libingan upang umiyak.
32. Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito at nagsabi, “Panginoon, kung narito po lamang kayo, hindi sana namatay ang aking kapatid.”