Josue 8:21-30 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

21. Sapagkat nang makita ni Josue at ng mga Israelita na ang mga kasama nilang nakakubli'y pumasok na sa lunsod at ito'y nasusunog na, bumalik sila at pinagpapatay ang mga taga-Ai.

22. Dumagsa rin buhat sa lunsod ang mga Israelitang pumasok doon, kaya't ganap na napalibutan ang mga taga-Ai. Namatay silang lahat, at walang nakaligtas o nakatakas ni isa man.

23. Ang hari lang ang binihag nilang buháy at dinala kay Josue.

24. Napatay nga ng mga Israelita ang lahat ng humabol sa kanila. Pagkatapos, bumalik sila sa lunsod at nilipol din ang lahat ng naiwan doon.

25. Nang araw na iyon ay pinuksa nila ang lahat ng tao sa Ai, at may labindalawang libo ang namatay.

26. Patuloy na itinuro ni Josue sa Ai ang kanyang sibat hanggang sa mapatay ang lahat ng tagaroon.

27. Walang kinuha ang mga Israelita mula sa lunsod kundi ang mga baka at mga ari-arian, ayon sa sinabi ni Yahweh kay Josue.

28. Sinunog ni Josue ang Ai at iniwang wasak tulad ng makikita hanggang sa ngayon.

29. Ipinabitay niya ang hari sa isang punongkahoy, at pinabayaan doon ang bangkay hanggang sumapit ang dilim. Paglubog ng araw, ipinababa niya ang bangkay at ipinatapon sa may pintuan ng lunsod. Pinatabunan niya iyon ng malalaking bato na makikita pa roon magpahanggang ngayon.

30. Nagtayo si Josue ng isang altar sa Bundok ng Ebal para kay Yahweh, ang Diyos ng Israel.

Josue 8