Jeremias 32:3-19 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

3. Ipinabilanggo siya ni Haring Zedekias dahil sa kanyang patuloy na pagpapahayag at pagsasabing, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Ipapasakop ko ang lunsod na ito sa hari ng Babilonia.

4. Si Haring Zedekias ay hindi makakaligtas sa mga taga-Babilonia, at ihaharap siya sa hari nito. Makakausap niya ito at makikita nang harap-harapan.

5. Dadalhin siyang bihag sa Babilonia at mananatili roon hanggang sa muli ko siyang maalala. Kahit anong pakikipaglaban ang gawin ninyo, hindi kayo magtatagumpay laban sa kanila.”

6. Sinabi pa ni Jeremias, “Ito ang pahayag sa akin ni Yahweh:

7. Si Hanamel na anak ng iyong amaing si Sallum ay lalapit sa iyo upang ipagbili ang kanyang bukirin sa Anatot sapagkat ikaw ang malapit niyang kamag-anak at may karapatang bumili niyon.”

8. Gaya nga ng sinabi ni Yahweh, si Hanamel ay pumunta sa akin at sinabi: “Bilhin mo na ang bukid ko sa Anatot, sa lupain ng Benjamin. Ikaw ang may karapatang bumili niyon bilang pinakamalapit kong kamag-anak.” Naalala ko ang sinabi ni Yahweh,

9. kaya binili ko ang bukid ng pinsan kong si Hanamel, sa halagang labimpitong pirasong pilak.

10. Nilagdaan ko ang kasulatan ng pagkabili at tinatakan; tumawag siya ng mga saksi, at tinimbang sa harapan nila ang salaping kabayaran.

11. Pagkatapos, kinuha ko ang kasulatan ng pagkabili, na tinatakan, at isang kopyang nakabukas,

12. at aking ibinigay kay Baruc na anak ni Nerias at apo ni Maaseias. Ito'y nasaksihan ni Hanamel, ng mga saksing lumagda sa kasulatan ng pagkabili, at ng mga Judiong nasa himpilan ng mga bantay.

13. Sa harapan nilang lahat, tinagubilinan ni Jeremias si Baruc ng ganito:

14. “Ito ang utos ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Kunin mo ang mga kasulatang ito—ang tinatakan at ang nakabukas—at ilagay mo sa isang tapayan para hindi masira agad.

15. Sapagkat ganito ang sabi ni Yahweh: Darating ang panahon na muling bibilhin ang mga bahay, bukirin, at ubasan sa lupaing ito.”

16. Nang maibigay na kay Baruc ang kasulatan ng pagkakabili,

17. si Jeremias ay nanalangin: “Panginoong Yahweh, nilikha mo ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan. Walang bagay na mahirap para sa iyo.

18. Nagpamalas ka ng kagandahang-loob sa libu-libo ngunit pinaparusahan mo ang mga anak dahil sa kasalanan ng mga magulang. O dakila at makapangyarihang Diyos na ang pangala'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,

19. dakila ang iyong mga panukala at kahanga-hanga ang iyong mga gawa. Nakikita mo ang ginagawa ng lahat ng tao, at ginagantihan ang bawat isa ayon sa kanyang pamumuhay at gawa.

Jeremias 32