Ezekiel 20:13-28 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

13. Ngunit maging sa ilang ay naghimagsik sila sa akin, hindi nila sinunod ang aking mga tuntunin. Ang Kautusan kong dapat sundin upang mabuhay sila ay kanilang tinanggihan, bagkus nilapastangan pa nila ang Araw ng Pamamahinga.“At binalak ko na noong iparanas sa kanila ang matinding galit ko para malipol na sila.

14. Ngunit hindi ko ito itinuloy upang ang pangalan ko'y hindi mapulaan ng mga bansang pinag-alisan ko sa Israel.

15. At doon sa ilang, isinumpa kong hindi sila dadalhin sa lupaing ipinangako ko sa kanila, sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay,

16. sapagkat tinalikuran nila ang aking Kautusan. Hindi sila lumakad ayon sa aking mga tuntunin, at hindi nila iginalang ang Araw ng Pamamahinga; sila'y sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan.

17. Gayunman, kinahabagan ko sila, at hindi nilipol.

18. “At sinabi ko sa kanilang mga anak na huwag nilang tutularan ang masamang pamumuhay ng kanilang mga ninuno, ni susundin ang ginawa nilang mga tuntunin at huwag sasamba sa mga diyus-diyosan.

19. Ako si Yahweh, ang kanilang Diyos. Sinabi kong lumakad sila ayon sa aking mga tuntunin, at sunding mabuti ang aking Kautusan,

20. at pahalagahan nila ang Araw ng Pamamahinga sapagkat ito ang mag-uugnay sa kanila at sa akin, at sa ganito'y makikilala nilang ako si Yahweh, ang kanilang Diyos.

21. Ngunit hindi sila nakinig. Hindi sila lumakad ayon sa aking mga tuntunin ni sumunod sa aking Kautusan na kung sundin ng tao ay magdudulot sa kanya ng buhay. Hindi rin nila pinahalagahan ang Araw ng Pamamahinga.“At inisip ko na namang ibuhos sa kanila ang aking matinding poot.

22. Ngunit hindi ko rin itinuloy ito upang ang pangalan ko'y hindi mapulaan ng mga bansang pinag-alisan ko sa kanila.

23. At sa ilang, isinumpa kong pangangalatin sila sa iba't ibang bansa,

24. sapagkat hindi nila sinunod ang aking mga tuntunin at Kautusan, hindi nila pinahalagahan ang Araw ng Pamamahinga, at nahumaling sila sa mga diyus-diyosan ng kanilang mga ninuno.

25. Kaya't binigyan ko sila ng mga tuntuning hindi magdudulot sa kanila ng buhay.

26. Hinayaan ko na silang mahumaling sa paghahandog sa kanilang mga diyus-diyosan. Binayaan kong ihandog nila pati ang kanilang mga panganay upang sila mismo'y mangilabot. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.

27. “Kaya, Ezekiel, sabihin mo sa kanila na ito ang ipinapasabi ni Yahweh na kanilang Diyos: Minsan pa'y nilapastangan ako at pinagtaksilan ng inyong mga ninuno.

28. Nang dalhin ko sila sa lupaing ipinangako ko sa kanila, naghandog sila sa mga altar sa mga burol at sa ilalim ng malalagong punongkahoy. Doon sila nagsunog ng kanilang mga handog na siyang dahilan ng pagkapoot ko sa kanila. Doon din nila dinala ang mga handog na inumin.

Ezekiel 20