Ecclesiastico 51:1-7 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

1. Pinasasalamatan kita, Panginoon ko at Hari;pinupuri kita, aking Diyos at Tagapagligtas.

2. Pinupuri kita sapagkat ipinagtanggol mo ako at inalalayan,iniligtas sa kamatayan sa bitag ng dilang makamandagat sa mga labing lumilikha ng kasinungalingan;tinulungan mo ako laban sa aking mga kaaway.

3. Sinaklolohan mo ako alang-alang sa iyong habag at banal na pangalan,at iniligtas sa mga ngipin ng mga leong nag-aabang upang ako'y lamunin,sa mga kamay ng mga naghahangad kumitil ng aking buhay,at sa maraming kagipitang aking kinasuungan.

4. Iniligtas mo ako sa apoy na nasa aking paligid,sa gitna ng apoy na hindi naman ako ang nagpaningas.

5. Hinango mo ako sa kalaliman ng bangin ng kamatayan,iniligtas mo ako sa dilang marumi at sinungaling,na nagpaparatang sa akin sa harapan ng hari.

6. Ang buhay ko'y nabingit sa kamatayan,ang kaluluwa ko'y nasa labi na ng Hades.

7. Naliligid ako ng mga kaawayat wala isa mang tumulong sa akin;naghanap ako ng sasaklolo,ngunit ako'y nabigo!

Ecclesiastico 51