Ecclesiastico 44:6-15 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

6. Ang iba nama'y naging mayaman at makapangyarihan,at namuhay ng tahimik sa kani-kanilang tahanan.

7. Silang lahat ay iginalang habang sila'y nabubuhay,at kinilala ng madla noong kanilang kapanahunan.

8. Mayroon sa kanilang nag-iwan ng matatag na pangalan,at patuloy pang pinapupurihan magpahanggang ngayon.

9. Mayroon namang hindi na natatandaan ninuman,at lubusan nang naglaho ang kanilang pangalan.Para silang hindi isinilang sa daigdig na ito,at gayundin ang nangyari sa kanilang mga angkan.

10. Narito ang talaan ng mga lalaking tunay na may takot sa Diyos,ang kanilang ginawa'y hindi pa nalilimutan.

11. Patuloy na mamanahin ng kanilang mga salinlahi ang kanilang magandang pangalan,at ito ang kanilang magiging mahalagang kayamanan.

12. Dahil sa kasunduan sa kanila ng Panginoon, nanatiling matatag ang kanilang angkan.At alang-alang pa rin sa kanila, ay magpapatuloy hanggang sa kanilang kaapu-apuhan.

13. Hindi mapuputol ang kanilang lahi,at hindi maglalaho ang kanilang katanyagan.

14. Matagal nang nalibing ang kanilang mga bangkay,subalit mananatili pa ring buháy ang kanilang alaala.

15. Matatanyag sa mga bansa ang kanilang karunungan,at patuloy silang pararangalan ng buong sambayanan.

Ecclesiastico 44