1. Papurihan naman natin ngayon ang ating mga ninuno,ang mga lalaking tanyag noong kanilang kapanahunan.
2. Sa pamamagitan nila'y ipinakilala ng Panginoon ang kanyang kadakilaan,at ipinakita ang kanyang kapangyarihan sa mula't mula pa.
3. May mga namahala ng mga kaharian,may mga nabantog dahil sa kanilang kapangyarihan,ang iba nama'y naging mga dalubhasang tagapayo,at ang iba'y nagpahayag ng kalooban ng Diyos.
4. Mayroong mga naging tagaakay ng buong bansa, mga pinunong umakda ng mabubuting batas,mga dalubhasang nagturo ng magagandang aral,at mga matatalinong lumikha ng malalalim na talinhaga.
5. Mayroon namang gumawa ng mga awit at humabi ng mga tula.
6. Ang iba nama'y naging mayaman at makapangyarihan,at namuhay ng tahimik sa kani-kanilang tahanan.
7. Silang lahat ay iginalang habang sila'y nabubuhay,at kinilala ng madla noong kanilang kapanahunan.
8. Mayroon sa kanilang nag-iwan ng matatag na pangalan,at patuloy pang pinapupurihan magpahanggang ngayon.
9. Mayroon namang hindi na natatandaan ninuman,at lubusan nang naglaho ang kanilang pangalan.Para silang hindi isinilang sa daigdig na ito,at gayundin ang nangyari sa kanilang mga angkan.
10. Narito ang talaan ng mga lalaking tunay na may takot sa Diyos,ang kanilang ginawa'y hindi pa nalilimutan.
11. Patuloy na mamanahin ng kanilang mga salinlahi ang kanilang magandang pangalan,at ito ang kanilang magiging mahalagang kayamanan.
12. Dahil sa kasunduan sa kanila ng Panginoon, nanatiling matatag ang kanilang angkan.At alang-alang pa rin sa kanila, ay magpapatuloy hanggang sa kanilang kaapu-apuhan.
13. Hindi mapuputol ang kanilang lahi,at hindi maglalaho ang kanilang katanyagan.
14. Matagal nang nalibing ang kanilang mga bangkay,subalit mananatili pa ring buháy ang kanilang alaala.
15. Matatanyag sa mga bansa ang kanilang karunungan,at patuloy silang pararangalan ng buong sambayanan.