Ecclesiastico 40:6-25 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

6. Halos kahihimlay pa lamang niya sa kanyang higaanay pinahihirapan na naman siya ng masasamang panaginip.Sa kanyang pagtulog, inuusig siya ng mga nakakatakot na pangitain,wari niya'y isa siyang takas mula sa larangan ng digmaan,

7. at pagdating niya sa isang ligtas na lugar ay saka siya nagigising.Nagugulat na lamang siya na ang lahat palang iyon ay isa lamang panaginip.

10. Dahil sa mga taong walang takot sa Diyos, lumitaw ang lahat ng iyan,at sila rin ang naging dahilan ng malaking baha.

11. Lahat ng nagmula sa lupa ay sa lupa magbabalik,at ang lahat ng nagmula sa tubig ay sa dagat magbabalik.

12. Ang nagmula sa suhol at pang-aapi ay tuluyang mawawala,ngunit ang katapatan ay mananatili magpakailanman.

13. Ang kayamanang nanggaling sa masamang paraan ay parang malakas na baha,malaki ang tubig at mabilis ang agos kapag kumukulog at umuulan.

14. Sa lakas ng agos nadadala pati ang mga batong madaanan,ngunit ito'y matutuyo sa darating na araw.

15. Ang lahi ng masasamang tao ay hindi darami,tulad ng halamang ang ugat ay nasa mabatong lupa;

16. Katulad din nila'y damong tumubo sa pampang ng ilog,na unang natutuyo kaysa ibang damo.

17. Ngunit ang kabutihan ay hindi maglalaho,at ang katarungan ay mananatili magpakailanman.

18. Mapalad ang nakakariwasa o may sariling hanapbuhay,ngunit higit na mapalad ang makahukay ng natatagong kayamanan.

19. Makikilala ang pangalan ng may mga anak, o ang nakapagtayo ng isang bayan,ngunit lalong makikilala ang nakatagpo sa Karunungan.Makikilala ang may maraming bakahan at malawak na ubasan,ngunit mas mahalaga sa mga ito ang isang butihing asawa.

20. Ang alak at tugtugan ay nakapagpapaligaya sa puso,ngunit mas mainam kaysa mga ito ang pag-ibig sa Karunungan.

21. Ang tugtog ng plauta at alpa ay nakakawiling pakinggan,ngunit lalong nakakawili ang magandang tinig.

22. Ang ganda't alindog ay nakalulugod pagmasdan,ngunit higit na kasiya-siya ang luntiang tanim sa kaparangan.

23. Ang isang kaibigan, o ang isang kasama ay mabuting alalay,ngunit higit sa kanilang dalawa ang isang butihing maybahay.

24. Mabuti ang may kapatid o kapanalig sa panahon ng kagipitan,ngunit higit sa maitutulong nila ang maitutulong ng pagkakawanggawa.

25. Ang ginto at pilak ay nakakapagpatatag sa isang tao,ngunit lalong mahalaga kaysa mga iyan ang mabuting payo.

Ecclesiastico 40