Ecclesiastico 4:17-31 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

17. Sa pasimula'y isasama ka niya sa mga liku-likong landas,tatakutin ka niya at pupunuin ng alalahanin.Pagtitiisin ka niya ng bigat ng kanyang mga tuntunin,at susubukin ka niya sa pamamagitan ng kanyang mga utos,hanggang sa ikaw ay pagtiwalaan niya.

18. Pagkatapos, agad-agad ka niyang lalapitan;ihahayag niya sa iyo ang kanyang mga lihim, at bibigyan ka niya ng kaligayahan.

19. Ngunit kapag siya'y iyong tinalikuran,pababayaan ka niya at mabubulid ka sa kapahamakan.

20. Gawin mo ang lahat sa tamang panahon at umiwas kang lagi sa masama.Huwag mong hahamakin ang iyong sarili.

21. Ang kababaang-loob ay kapuri-puri at marapat igalang,ngunit ang paghamak sa sarili ay kasalanan.

22. Huwag mong bayaang pagsamantalahan ka ng iba;huwag mong ipahamak ang iyong sarili dahil sa di pagtatanggol sa iyong mga karapatan.

23. Huwag kang mag-atubiling magsalita kung napapanahon,at huwag mong itago ang iyong karunungan.

24. Ang karunungan ay nakikilala sa pananalita;ang pinag-aralan mo ay makikilala sa iyong pangungusap.

25. Huwag kang magsasalita laban sa katotohanan,at huwag mong kalilimutang marami kang di nalalaman.

26. Huwag mong ikahihiyang ipahayag ang iyong mga kasalanan;hindi mo mapipigilan ang agos ng ilog.

27. Huwag kang paiilalim sa hangal,at huwag mo namang kikilingan ang makapangyarihan.

28. Ipakipaglaban mo ang katotohanan hanggang kamatayan,at ipaglalaban ka ng Panginoong Diyos.

29. Huwag kang pabigla-bigla sa pananalita;huwag ka namang babagal-bagal sa paggawa.

30. Huwag kang mag-asal leon sa iyong tahanan,at huwag kang magmalupit sa iyong mga katulong.

31. Huwag laging nakabuka ang palad mo para tumanggap,ngunit huwag ding nakakimkim nang mahigpit kapag napapanahong magbayad.

Ecclesiastico 4