10. Pagsisihan mo ang iyong mga kamalian at magbagong-buhay ka;linisin mo ang iyong puso sa lahat ng bahid ng kasalanan.
11. Mag-alay ka ng insenso at ng handog na pagkain,at buhusan mo ng langis ang iyong handog sa abot ng iyong makakaya.
12. Pagkatapos, magpatawag ka ng manggagamot—ang Panginoon din ang maylikha sa tungkuling iyan—at huwag mo siyang paaalisin, pagkat kailangan mo siya.
13. May mga pagkakataong sa kamay niya masasalalay ang buhay mo.
14. Dadalangin din siya sa Panginoon na siya'y patnubayan upang mapawi ang sakit,mapagaling ang iyong karamdaman at mailigtas ang iyong buhay.
15. Magkakasala laban sa Panginoon ang isang tao,kung hindi siya susunod sa kanyang manggagamot.
16. Tangisan mo ang isang tao kapag siya'y namatay,umiyak ka nang malakas at ipakita mo ang iyong pamimighati.Bihisan mo siya ayon sa kanyang kalagayan,at dumalo ka sa kanyang libing.
17. Ipagluksa mo nang marapat ang kanyang pagpanaw sa pamamagitan ng pagluha at panaghoy.Gawin mo ito sa loob ng isa o dalawang araw, nang walang masabi ang sinuman.Pagkatapos, aliwin mo na ang iyong sarili.
18. Sapagkat ang panlulumo ay nakapagpapahina ng katawan,at ang labis na pagdadalamhati ay maaaring ikamatay.
19. Pagdadalamhati ang laging kasunod ng pagpanaw ng isang mahal sa buhay,ngunit hindi tamang itulak ka niyon sa karukhaan.
20. Kaya, huwag kang padadala sa labis na pamimighati,iwaksi mo iyan at alalahanin mo ang iyong kinabukasan.
21. Huwag mong kalilimutan na ang patay ay hindi na makakabalik;hindi na rin siya matutulungan ng iyong pagluha, at sa halip ikaw ay maaari pang mapinsala.
22. Alalahanin mo na ang nangyari sa kanya'y mangyayari din sa iyo:“Kahapon ay ako, ngayon naman ay ikaw.”
23. Pagkatapos na ang isang tao'y mamayapa, tigilan mo na ang pag-aalala sa kanya.Huwag ka nang magpakabalisa, matapos malagot ang kanyang hininga.