Ecclesiastico 37:13-29 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

13. At sa wakas, pakinggan mo ang itinitibok ng iyong puso,sapagkat wala kang dapat pagtiwalaan nang higit sa riyan.

14. Kalimitan, higit ang masasabi ng sariling kaisipan,kaysa pitong bantay na nasa isang mataas na tore.

15. Higit sa lahat, dumalangin ka sa Kataas-taasan,upang akayin ka niya sa katotohanan sa lahat mong gagawin.

16. Lahat ng panukala'y kailangang pag-usapan muna,at anumang gawai'y kailangan munang isipin.

17. Sa isipan binabalangkas ang lahat ng panukala ng tao,at ang mga ito'y sa apat nauuwi:

18. sa mabuti o sa masama, sa buhay o sa kamatayan,subalit ang lahat ng ito'y dila ang naghahayag.

19. Mayroong tao na sa karununga'y nakakapagturo sa iba,ngunit hangal naman sa sariling kapakanan;

20. Mayroon namang napakagaling magsalita, ngunit sa halip na makaakit,marami ang nasusuya, kaya't sa wakas ay kinakapos pa sa ikabubuhay.

21. Ganyan ang mangyayari sa taong walang pakisama,na di pinagkalooban ng Panginoon ng kaalaman sa pakikitungo sa kapwa.

22. Kapag ang isang tao'y magandang magpalakad ng sariling kapakanan,ang kanyang katalinuha'y nakikita sa kanyang pananalita.

23. Kung ang karunungan ng isang tao'y pinakikinabangan ng bayan,ang kanyang katalinuha'y dapat pagtiwalaan.

24. Ang tunay na marunong ay pupurihin ng karamihan,at siya'y ituturing na mapalad ng bawat makakita sa kanya.

25. Ang buhay ng isang tao ay maikli lamang,ngunit hindi mabibilang ang mga araw ng bansang Israel.

26. Ang tunay na marunong ay pinagtitiwalaan ng kanyang bayan,at mananatili kailanman ang kanyang pangalan.

27. Anak ko, sa buong buhay mo'y lagi mong aalagaan ang iyong sarili,at huwag kang kakain ng anumang makakapinsala sa iyo.

28. Sapagkat hindi lahat ng pagkain ay makakabuti sa lahat ng tao,at hindi rin nasasarapan ang lahat ng tao sa lahat ng pagkain.

29. Huwag mong hangaring matikman ang lahat ng pagkain,at huwag kang magpakalabis sa anumang ihain sa iyo.

Ecclesiastico 37