Ecclesiastico 36:1-2-14 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

1-2. Mahabag ka sa amin, Panginoon, Diyos ng sanlibutan, lingapin mo kami,at gawin mong igalang ka ng lahat ng bansa.

3. Kumilos ka laban sa mga bansang hindi kumikilala sa iyo,ipakita mo sa kanila ang iyong kapangyarihan.

4. Ginamit mo kami upang makita nila ang iyong kabanalan,gamitin mo naman sila nang makita namin ang iyong kapangyarihan.

5. Sa gayon, makikilala nila, tulad ng pagkakilala namin,na walang ibang Diyos maliban sa iyo, Panginoon.

6. Magpakita ka ng mga bagong himala, gumawa ka muli ng mga kamangha-manghang bagay;ipakita mo ang lakas ng iyong kapangyarihan.

7. Pag-alabin mo sa kanila ang iyong galit, ibuhos mo sa kanila ang iyong poot,puksain mo ang aming mga kaaway, durugin mo silang lahat.

8. Alalahanin mo ang iyong pangako; ipatupad mo iyon sa madaling panahon,upang isalaysay ng mga tao ang iyong mga kahanga-hangang gawa.

9. Tupukin mo sa ningas ng iyong galit ang mga tumatakas,lipulin mong lahat ang mga nagmalupit sa iyong bayan.

10. Durugin mo ang ulo ng mga prinsipeng naghihimagsik sa iyo,at nagsasabing, “Walang ibang maghahari kundi kami lamang.”

11. Tipunin mong lahat ang mga lipi ni Jacob,at ibalik mo sila sa lupaing ipinamana mo sa kanila noong una.

12. Kaawaan mo, Panginoon, ang bayang itinuturing na bayan mo,ang Israel na inari mong anak na panganay.

13. Kahabagan mo ang iyong banal na lunsod,ang Jerusalem na pinili mong tirahan.

14. Punuin mo ang Zion ng mga awit ng pagpupuri sa iyo,punuin mo ng iyong kaluwalhatian ang iyong banal na Templo.

Ecclesiastico 36