1. Para nang nag-alay ng maraming handog ang sumusunod sa Kautusan:sapagkat ang sumusunod sa mga utos ay para nang nag-alay ng mga handog na pangkapayapaan;
2. Ang tumatanaw ng utang na loob ay para nang naghandog ng mainam na harina,at ang nagkakawanggawa ay para nang nag-alay ng handog ng pasasalamat.
3. Umiwas ka sa masama at kalulugdan ka ng Panginoon,mag-ingat kang huwag makaapi at para ka nang nagbayad-puri para sa iyong sala.
4. Huwag kang haharap sa Panginoon nang walang dalang anuman,
5. sapagkat ang paghahandog na ito ay itinatagubilin ng Kautusan.
6. Kapag ang taong matuwid ay nag-alay ng kanyang handog,ang bango ng taba na sinusunog sa dambana ay pumapailanlang hanggang sa luklukan ng Kataas-taasan.
7. Kinalulugdan ng Panginoon ang handog sa kanya ng taong matuwid,ito'y isang alaala na hindi niya malilimutan.
8. Parangalan mo ang Panginoon nang buong katapatan,at huwag mong panghinayangan ang mga unang bungang inihahandog mo sa kanya.
9. Ialay mo ang iyong handog nang may ngiti sa mga labi,at magbigay ka ng ikasampung bahagi nang may galak sa puso.
10. Maghandog ka sa Panginoon nang buong puso,maging bukás-palad ka sa kanya, gaya ng ginawa niya sa iyo.
11. Ang Panginoon ay masagana kung gumanti,gagantihan ka niya nang makapitong beses.
12. Huwag mong susuhulan ang Panginoon sapagkat di siya tumatanggap ng suhol,huwag kang aasa sa handog na galing sa masamang paraan.Ang Panginoon ay Diyos ng katarungan,wala siyang itinatanging sinuman.
13. Hindi siya kumikiling kaninuman laban sa mahirap,sa halip, agad niyang dinirinig ang naaapi.
14. Lagi niyang dinirinig ang daing ng ulila,at ang pagsusumamo ng biyudang nagsasaysay ng nangyari sa kanya.