Ecclesiastico 33:14-30 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

14. Ang katapat ng masama ay ang mabuti,ang katapat ng kamatayan ay ang buhay,at ang katapat ng makasalanan ay ang taong maka-Diyos.

15. Ganyan nagmula sa kamay ng Lumikha ang lahat ng bagay:magkakatambal, ang isang bagay ay kabaligtaran ng ikalawa.

16. Ako ang kahuli-hulihang namitas ng ubas,wari'y namulot lamang ako pagkaraan ng mamimitas.Ngunit sa awa ng Panginoon, marami pa rin akong nakuha,at napuno ko pa rin ang aking mga pisaan, gaya ng mga naunang namitas.

17. Alalahanin ninyong ito'y hindi ko ginawa para sa aking sarili lamang,kundi alang-alang sa lahat ng naghahangad matuto ng mabuting aral.

18. Kaya makinig kayo, mga pinuno ng bayan,kayo, mga namamahala sa kapulungan, pag-isipan ninyo ito.

19. Habang ikaw ay nabubuhay pa dito sa daigdig,huwag mong ipagkatiwala ang buhay mo kaninuman, maging sa asawa, anak, o kaibigan.At huwag mo ring ipamigay na lahat ang iyong ari-arian.Baka ka magsisi at mapilitang magmakaawa sa ari-ariang iyong ibinigay.

20. Habang ikaw ay may hininga,huwag mong ipailalim ang buhay mo sa iba.

21. Mas mabuti na ang mga anak mo ang humingi sa iyo,kaysa ikaw ang magmakaawa sa kanila.

22. Magsikap ka sa lahat mong kabuhayan,at huwag mong dudungisan ang iyong karangalan.

23. At sa wakas ng iyong buhay, kapag ika'y naghihingalo na,saka mo ipamana ang lahat mong ari-arian.

24. Ang asno'y dapat bigyan ng kumpay, karga, at latigo;ang alipin nama'y dapat bigyan ng pagkain, disiplina at trabaho.

25. Pagawain mo nang husto ang iyong alipin upang matahimik ang loob mo;kapag siya'y walang gawain, malamang na makaisip ng paglaya.

26. Singkaw at pamatok ang pampasuko sa toro;parusa ng berdugo ang pansupil sa masamang alipin.

27. Pamalagiin mo siyang abala sa gawain;sapagkat ang walang ginagawa ay nakakaisip ng masama.

28. Pagtrabahuhin mo siya, doon siya nakatalaga,at kung hindi sumunod, tanikalaan mo siya.

29. Ngunit huwag kang magmamalabis kaninuman,at huwag gagawa ng anumang labag sa katarungan.

30. Kung mayroon kang alipin, mahalin mo siyang gaya ng iyong sarili,sapagkat pinaghirapan mo ang salaping ibinili sa kanya.

Ecclesiastico 33