Ecclesiastico 32:8-18 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

8. Sabihin ang ibig ipahayag sa maikling pangungusap lamang;ipakita mong ikaw ay maraming nalalaman ngunit hindi masalita.

9. Huwag kang pangahas kung ang mga kasama mo'y nakakataas sa iyo,at huwag kang maingay kapag may ibang nagsasalita.

10. Katulad ng kidlat na nauuna sa kulog,ang kagandahang-asal ng isang tao ay nababalita na bago pa siya makilala.

11. Sa oras nang uwian, mamaalam ka na agad,at huwag ka nang magtatagal pa sa iyong pag-alis.Tumuloy ka na agad sa iyong tahanan.

12. Doon ka maaaring maglibang ayon sa gusto mo,huwag ka lang magkasala sa pagmamayabang.

13. Higit sa lahat, magpasalamat ka sa dakilang Lumikha,na nagkaloob sa iyo ng kanyang mga pagpapala.

14. Ang may paggalang sa Panginoon ay napasusupil sa kanya,at ang gumigising nang maaga upang manalangin ay pinagpapala niya.

15. Naliligayahang sumunod sa Kautusan ang nagsisikap makaunawa nito,ngunit ito'y nagiging balakid sa taong hipokrito.

16. Nakapagpapasya nang wasto ang may paggalang sa Panginoon,at ang mabubuti nilang gawa ay nagliliwanag na parang ilaw.

17. Ang makasalana'y di tumatanggap ng pangaral,at binibigyan ng dahilan ang anumang naisin niya.

18. Laging nakikinig sa paalala ang taong matino,wala namang nakakapigil sa lapastangan at palalo.

Ecclesiastico 32