Ecclesiastico 3:4-22 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

4. at ang nagpaparangal sa kanyang ina'y parang nag-iimpok ng kayamanan.

5. Ang gumagalang sa kanyang ama'y paliligayahin naman ng kanyang mga anak,at ang panalangin niya'y agad diringgin ng Panginoon.

6. Pahahabain ng Diyos ang buhay ng nagpaparangal sa kanyang mga magulang—siya na sumusunod sa Panginoon.

7. Ang may paggalang sa Panginoong Diyos ay gumagalang sa kanyang mga magulang,at pinaglilingkuran niya ang kanyang magulang na parang panginoon niya.

8. Igalang mo ang iyong ama sa salita at sa gawa,upang sumaiyo ang kanyang pagpapala.

9. Pinatatatag ng pagpapala ng isang ama ang pamumuhay ng mga anak,ngunit ito ay sinisira ng sumpa ng isang ina.

10. Huwag mong ipagkakalat ang kahihiyan ng iyong ama,sapagkat ang kanyang kahihiyan ay hindi mo ikararangal.

11. Ikararangal ng sinuman ang gumalang sa kanyang ama,at kahihiyan ng mga anak ang di gumalang sa kanilang ina.

12. Anak, kalingain mo ang iyong ama kapag siya'y matanda na,at huwag mo siyang dudulutan ng sama ng loob habang nabubuhay.

13. Pagpaumanhinan mo siya kapag nanlalabo na ang kanyang isip;huwag mo siyang lalapastanganin ngayong nasa kasibulan ka na ng iyong lakas.

14. Ang paglingap mo sa iyong ama ay di malilimutan,iyan ay magiging kabayaran sa iyong mga kasalanan.

15. Ang ginawa mo sa iyong ama ay aalalahanin ng Panginoon,at ang mga kasalanan mo'y matutunaw na parang yelo pagdating ng tag-init.

16. Ang sinumang magpabaya sa kanyang ama ay para nang lumapastangan sa Diyos,at ang gumagawa ng ikagagalit ng ina'y susumpain ng Panginoon.

17. Anak, maging mapagpakumbabá ka sa pagtupad ng tungkulin,at mamahalin ka ng mga malapit sa Diyos.

20. Sapagkat kahanga-hanga ang kapangyarihan ng Panginoonat dinadakila siya ng mga nagpapakumbabá.

21. Huwag mong hangaring maunawaan ang mga bagay na lampas sa iyong kakayahan,huwag mong saliksikin ang hindi mo kayang malaman.

22. Sundin mo ang Kautusang bigay sa iyo ng Panginoon;huwag mong pagkaabalahan ang inilihim niya sa iyo.

Ecclesiastico 3