Ecclesiastico 29:11-25 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

11. Kayamanan ay gamitin nang ayon sa Batas ng Diyos,at papakinabangan mo nang higit pa kaysa ginto.

12. Paglilimos ay ituring na malaking kayamanan,sa lahat ng kasamaan, magsisilbing kaligtasan;

13. maaasahang sa tuwina'y magagamit laban sa kaaway,nang higit pa sa isang sibat at kalasag na matibay.

14. Ang mabuting tao'y gumagarantiya sa utang ng kaibigan.Kaya wala nang nalalabing kahihiyan ang nangangahas manloko sa kanya.

15. Yamang kanyang itinaya ang kanyang karangalan para sa iyo,huwag mo itong kalilimutang tanawing utang na loob.

16. Ngunit mayroong walang utang na loob na hindi na naalala ang gumarantiya para sa kanya,at pinababayaang mapinsala ang taong nagmalasakit.

17. Maraming mayaman ang naghirap dahil sa paggarantiya,ang sinapit nila'y daig pa ang sinalanta ng bagyo sa karagatan.

18. Maraming mayayaman na ang bumagsak dahil sa paggarantiya,at napilitan silang magpalabuy-laboy sa ibang lupain.

19. Ang makasalanang gumagarantiya upang kumita ng salapi,malimit ay nasusubo sa gulo at maraming usapin.

20. Tumulong ka sa kapwa mo ayon sa iyong kakayanan,ngunit mag-ingat ka para huwag masubo sa alangan.

21. Pangunahing pangangailangan sa buhay ng tao ang pagkain at inumin, ang damit na pantakip sa katawan,at tahanang mapangungublihan sa tingin ng madla.

22. Mabuti pa ang magdildil ng asin sa sariling kubo,kaysa kumain ng masarap sa bahay ng ibang tao.

23. Masiyahan ka sa kasaganaan, gayundin sa pagdarahopnang hindi ka masabihan na ikaw ay isang linta.

24. Kaawa-awa ang buhay ng walang sariling tahanan;malimit, hindi siya makapagsalita sapagkat siya'y nanunuluyan lamang.

25. Kahit siya ang humarap sa mga panauhin at mag-abot ng inumin, walang magpapasalamat sa kanyang ginawa.Sa halip, makakarinig pa siya ng masasakit na salita:

Ecclesiastico 29